Tensyon sa Aliaga
    Utos sa pagbaba sa talunang alkalde hindi naipatupad

    565
    0
    SHARE

    ALIAGA, Nueva Ecija – Bantay-sarado ng mga elemento ng Provincial Public Safety Company (PPSC) at lokal na pulisya ang bakuran ng munisipyo samantalang sinisikap ng mga opisyal ng hukuman na isilbi nitong Lunes ang writ of execution ng Regional Trial Court Branch 30 na nagdeklarang natalo ang nakaupong alkalde sa halalan noong May 2013.

    Ngunit ang mga opisyal ng hukuman na pinamumunuan ni Deputy Sheriff Victoria Roque ay hindi na nakatuntong pa sa tanggapan ng alkalde matapos ang mahabang oras ng paghihintay sa himpilan ng pulisya nang kinausap na lamang sila ni municipal administrator Emmanuel San Juan.

    Sa desisyon ng hukuman, si Mayor Elizabeth Vargas ay natalo sa kanyang kalaban na si Reynaldo Ordanes na lumamang ng 11 boto matapos masuri ang mga boto na kanilang nakuha noong nakaraang halalan. Si Roque at dalawa pang sheriff ay inaatasan ng hukuman na ipatupad ang desisyon ni Judge Virgilio Caballero kaugnay ng EP 01-13, ang protestang isinampa ni Ordanes.

    Sa rekord ng korte, matapos ang pagsusuri ay napatunayan ng hukuman na walang bisa ang 72 boto mula sa 11,477 boto na ibinilang ng municipal board of canvassers para kay Vargas samantalang may bisa naman ang tatlong boto na hindi binasa ng precinct count optical scan machine para kay Ordanes.

    “The ovals pertaining to the vote for mayor were appropriately shaded and no distinguishing marks were found,” ani Caballero sa kanyang desisyon na may petsang May 28, 2014. Wala aniyang dahilan upang hindi ibilang kay Ordanes ang mga ito.

    Sa pagpapa-walang bisa ng 72 boto kay Vargas at pagdaragdag ng tatlo kay Ordanes, naging 11,405 boto ang sa kasalakuyang alkalde samantalang 11,416 boto ang sa nagpo- protesta. Hindi naman malinaw kung maituturing na na-isilbi ang writ of execution kay Vargas dahil hindi ito nakarating sa kanya o napaskil man lamang sa dingding ng munisipyo.

    Nauna nang sinabi ng mga sheriff na kung hindi nila makakausap si Vargas ay ipapaskil nila ito bilang “constructive execution.” “We have notified,” sagot ni Roque matapos ang pakikipagpulong kay San Juan.

    Tila nakialam naman sa pagsisilbi ang pulisya dahil kapansin-pansin ang pag-antala nito sa pagpanhik ng mga opsiyal ng hukuman bago pa bumaba si San Juan. Magtutungo na sana sa munisipyo ang mga sheriff subalit pinigilan sila ni Insp. Rommel Balacuay, deputy chief of police, at nais raw muna niyang matiyak kung naroon ang alkalde.

    Si Balacuay na rin ang nagdala kina San Juan at sa grupo ni Roque sa tanggapan ng kanyang hepe kung saan ipininid ang pinto upang hindi makapasok ang media. Ayoin sa mga residente, ilang araw na umanong bantay-sarado ng mga pulis ang bakuran ng munisipyo at kapansin- pansin na sarado ang mga gate sa likuran at tagilirang bahagi nito na dati ay nakabukas.

    Tiniyak naman ni Ordanes na hindi siya magpipilit pumasok sa munisipyo upang maiwasan ang gulo.

    Naniniwala raw siyang ilang araw na lamang ay maipapatupad na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang kautusan ng hukuman.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here