Home Headlines Nanay Gov: Isang tinig ng malasakit

Nanay Gov: Isang tinig ng malasakit

360
0
SHARE

NGAYONG ARAW ay hindi lamang pagbubukas ng Bagong Sesyon ng Sangguniang Panlalawigan. Ito rin ay isang bagong kabanata ng ating Pamahalaang Panlalawigan, kung saan muling nagkakaisa ang lehislatibo at ehekutibo sa iisang layunin: Ang totoo at tapat na paglilingkod sa Kapampangan.

Sa ating mga outgoing board members at sa mga naglingkod ng tatlong termino – maraming, maraming salamat. Ang inyong dedikasyon ay bahagi na ng kasaysayan ng lalawigan. Sa bawat ordinansa, resolusyon, at programang inakda ninyo, mas pinatatag ninyo ang pundasyon ng ating lokal na pamahalaan.

Tulad ng sinabi ni Franklin D. Roosevelt, “We cannot always build the future for our youth, but we can build our youth for the future.”   At iyan ang ginawa ninyo – inihanda ninyo ang kinabukasan para sa susunod na henerasyon ng mga lingkod-bayan.

Sa bagong hanay ng sangguniang panlalawigan – malugod ko kayong tinatanggap. Sa pamumuno ng ating Vice Governor, inaasahan ko ang isang lehislaturang aktibo, tapat, at kaisa sa ating mga layunin. Hindi ko po kayo uutusan. Inaanyayahan ko po kayong makiisa. Dahil alam kong sa inyong kakayahan, tapang, at malasakit, makakamit natin ang tunay na progreso. Gaya ng sinabi ni Peter Drucker, “The best way to predict the future is to create it.” Gawin nating posible ang kinabukasang makatao, makatarungan, at makapamilya para sa ating mga kababayan.

Ang panawagan ko po sa inyo: Ipamalas natin ang tatlong haliging kailanma’y gabay ng ating pamamahala:

Malasakit – Ang puso sa paglilingkod. Ang pag-unawa sa hinaing ng mga dukha, may sakit, matatanda, pwds, at batang Kapampangan.

Tepangan – Ang tapang na magsulong ng   mahahalagang polisiya kahit ito’y hindi popular. Ang katatagan sa gitna ng krisis at kalamidad.

Lugud – Pagmamahal sa ating lalawigan at sa bawat Kapampangan. Ipanalo natin ang kabutihan, hindi pansariling interes.

Narito po ang 14 na Flagship Legislative Agenda ng aking administrasyon na aking isusulong. Sa tulong, suporta, at kooperasyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Pampanga, ako ay naniniwala na ang mga adhikaing ito ay magkakaroon ng katuparan para sa kapakanan ng ating mga kabalen:

Provincial Health Systems Strengthening Ordinance – para sa modernisasyon at mas matatag na serbisyong medikal, lalo na sa district hospitals. Pagbubukas ng Pampanga Provincial Hospital-Clark na itinayo noong panahon ni Gov. Delta Pineda. Karagdagang equipment gaya ng CT-Scan, Ultrasound, Stand Alone at Mobile X-Ray, 2D echo, at iba pa. Pagtatatag ng additional health facilities sa mga bayan. Mobile clinic para sa coastal communities upang maghatid ng medical at health services tulad ng laboratory diagnostics, dental services, prenatal at maternal care.

Pampanga Food Security and Agricultural Resilience Code – Isinusulong ang kabuuang programa para sa matibay na sistema ng pagkain. Binuksan ang rice processing system sa Guagua at food security complex sa Lubao na may warehouse facilities. Patuloy ang pamimigay ng makabagong farm machineries, suporta sa mangingisda, livestock programs, at tree planting. May solar irrigation system para sa tuloy-tuloy na patubig. Layunin nitong tiyakin ang seguridad sa pagkain sa buong lalawigan.

Pampanga Youth Empowerment, Education, and Skills Development Code – Para sa kabataang Kapampangan sa pamamagitan ng edukasyon, sports, leadership training, at technical-vocational education.

Pagtatayo ng TESDA-accredited tech schools at skills centers. Scholarship programs, leadership camps, at values formation. Grassroots sports development at inter-town competitions. Isang kabataang handa sa hamon ng kinabukasan.

Good Governance, Ethical Leadership and Oversight Mechanism Ordinance – Para sa pamahalaang may integridad, pananagutan, at malasakit. Itatatag ang Provincial Oversight and Accountability Council. Titiyakin nito ang implementasyon ng mga ordinansa at programa. Isusulong ang transparency, anti-corruption, at people-centered governance.

Pampanga Environmental Regulatory and Monitoring Ordinance – Para sa proteksyon ng kalikasan: hangin, ilog, lupa, at kapaligiran. Magpapataw ng malinaw na regulasyon at monitoring. Kasama ang community participation at LGU enforcement. Laban ito para sa isang malinis at ligtas na kapaligiran para sa lahat.

Alagang Nanay: Comprehensive Provincial Social Welfare and Protection Program Ordinance – Isang komprehensibong programang panlipunan para sa senior citizens, solo parents, PWDs, at mahihirap. Hatid nito ang cash at food assistance, livelihood kits, at community service centers. May mobile outreach para sa mga barangay. Sa panahong may pangangailangan, may kamay na aagapay, may puso na yayakap.

Employment, Livelihood, and Micro-Enterprise Promotion Ordinance –Para sa disenteng trabaho, summer jobs, at suporta sa micro-enterprises. Patuloy ang GIP, SPES, at livelihood grants. Partnership sa mga pribadong sektor para sa job matching at entrepreneurship training. Suporta sa bawat Kapampangan na nais umangat sa buhay.

Digital Governance and ICT Development Ordinance – Para sa e-Governance, digital transparency, at online services. Pagsasagawa ng digital transformation ng mga opisina. Connectivity sa mga liblib na barangay. Access to technology para sa lahat.

Disaster Resilience and Climate Adaptation Code – Para sa kahandaan sa kalamidad at climate adaptation. Pagtatatag ng permanent evacuation centers, disaster hubs, at community drills. Partnership sa science-based agencies para sa risk reduction. Proteksyon ng buhay at kabuhayan.

Pampanga Cooperative Development and Financial Inclusion Ordinance – Suporta sa kooperatiba, savings groups, at MSMES. Magkakaroon ng training centers para sa financial literacy at cooperative governance. Access sa micro-financing at seed capital. Layunin nitong gawing mas malawak ang access sa kaunlaran.

Barangay Empowerment and Partnership Ordinance – Mas pinalakas na koneksyon ng Kapitolyo at mga barangay. Capacity building para sa barangay officials. Direct access sa provincial programs. Mas epektibong serbisyo sa grassroots level.

EduKapampangan: Expanded Access to Quality and Inclusive Education in Pampanga Ordinance – Palalawakin pa ang scholarship, school facilities, at satellite campuses ng Pampanga State University. Dagdag na silid-aralan, learning centers, at school buildings. Layunin nitong gawing abot-kamay ang dekalidad na edukasyon.

Pampanga Overseas Kapampangan Welfare and Reintegration Ordinance – Para sa kapakanan ng mga OFWs. Itatatag ang OFW Help Desk sa bawat bayan. Magbibigay ng legal aid, skills upgrading, at livelihood support. Gagabayan sila sa reintegration at pagbabalik-probinsiya. Kinikilala at pinangangalagaan ang ating mga bagong bayani.

Pampanga Provincial Housing and Human Settlements Development Ordinance – Para sa abot-kaya, ligtas, at maayos na tirahan. Pagtatayo ng low-cost housing at resettlement programs. Tulong sa mga informal settlers, manggagawa, at nasalanta ng sakuna. Kasama rito ang housing roadmap at pabahay para sa senior citizens, solo parents, at PWDs. Bawat Kapampangan ay may karapatang magkaroon ng sariling tahanan.

Mga board members, sa ilalim ng ating pagkakaisa, ang lehislatura at ehekutibo ay magiging iisang tinig ng malasakit. Ang pagkilos natin ay dapat may direksyon, may dangal, at may diwang makatao. Tulad ng isang kasabihang Kapampangan:

“Ing tune dangal, e ya makikintab a medalya, nung e ing lugud king kapara.”

Muli, sa ating bagong SP, ako’y may tiwala. Sa ating mga mamamayan, ako’y may inspirasyon. Sa Diyos na makapangyarihan sa lahat, ako’y may pananalig.

(Halaw sa panimulang talumpati para sa bagong panunungkulan ni Gov. Lilia “Nanay Gov” Pineda, Kapitolyo ng Pampanga, Hulyo 1, 2025)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here