Home Headlines Bise Gobernador ng Bulacan: Si Rizal ang ‘Huwaran ng Katotohanan’

Bise Gobernador ng Bulacan: Si Rizal ang ‘Huwaran ng Katotohanan’

131
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Patuloy na nagiging makabuluhan ang kabayanihan ni Dr. Jose P. Rizal sa makabagong panahon dahil sa pagiging isang “Huwaran ng Katotohanan.”

Iyan ang sentro ng mensahe ni Bise Gobernador Alexis Castro nang pangunahan niya ang pagdiriwang at pag-alaala ng Bulacan sa Ika-164 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ng bayani sa Casa Real de Malolos sa lungsod ng Malolos.

Aniya, ang pagsasabi ng tama at paninindigan para sa katotohanan ang naging mitsa ng buhay ni Rizal.

Pinangunahan ni Bise Gobernador Alexis Castro ang pagdiriwang sa Bulacan ng Ika-164 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ng bayaning si Dr. Jose P. Rizal sa Casa Real de Malolos kung saan naganap ang unang ‘Araw ng Pagluluksa’ kay Rizal noong Disyembre 1898 noong panahon ng Unang Republika. Sentro ng mensahe ng bise gobernador ang pagbibigay diin na dapat tularan ng mga kabataan si Dr. Rizal sa pagiging ‘Huwaran ng Katotohanan’. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Kaya’t makatwiran na huwag pagsawaan na balikan ng mga kabataan ang buhay, ginawa at isinulat ng bayani.

Matatandaan na yumanig sa pundasyon ng noo’y Pamahalaang Kolonyal ng Espanya sa Pilipinas at ng simbahan ang kanyang dalawang pangunahing nobela.

Ang Noli Me Tangere na isinulat ni Rizal noong mula 1884 hanggang Pebrero 1887 habang siya ay nasa Spain at Germany, ang nagsiwalat ng mga maling gawi ng mga prayle at kung paano nagamit ang simbahan upang sikilin at abusuhin ang mga Pilipino.

Habang ang El Filibusterismo na kanyang sinimulang isinulat sa panahon na siya’y nasa Calamba, Laguna noong Oktubre 1887 at tinapos pagdating niya sa United Kingdom, France at Belgium noong Setyembre 1891, tuwiran nitong tinuligsa ang pamahalaang kolonyal sa usapin ng pag-abuso sa kapangyarihan at paglustay sa kaban ng bayan.

Para kay Castro, napapanahon na tularan ang kabayanihan ni Rizal sa paraan na dapat iwaksi ang mga maling balita at impormasyon at itaguyod ang katotohanan anuman ang maging dulot nito.

Hindi lamang paninindigan para sa katotohanan ang inaalala kay Rizal kundi maging ang pagtataguyod niya ng mga riyalidad tulad ng makatwirang dapat makatamo ng edukasyon ang mga kababaihan.

Patunay dito ang naging pagsulat niya sa mga Kadalagahan ng Malolos kung saan pinapurihan niya ang mga ito sa paggigiit kay Spanish Governor General Valeriano Weyler na sila’y makapagtayo ng paaralan at makapag-aral.

Base sa mga tala ng National Historical Commission of the Philippines, personal na nakadaupang palad ng mga 20 Kadalagahan ng Malolos ang gobernador heneral sa Katedral ng Malolos noong Disyembre 12, 1888.

Doon nila iprinisinta ang kanilang petisyon sa panahon na hindi isang karapatan na magpahayag ng saloobin at sa bantang maaari silang makasuhan ng sedisyon.

Matapos ng nasabing pagsulat, personal ding nakasalamuha ni Rizal ang nasabing mga kadalagahan sa ngayo’y tinatawag na Malolos Kamistisuhan District.

Sa isa pang naging pagbisita ng bayani sa Malolos, naganap ito nang ikinakampanya niya ang pagtatayo ng La Liga Filipina sa Malolos noong Hulyo 1892.

Naglalayong pagkaisahin ang mga Pilipino para matamo ang Kalayaan sa pamamagitan ng pagtataguyod ng pagprotekta sa isa’t isa, hikayatin ang pagtamo ng edukasyon, paglahok sa komersiyo at isulong ang mga reporma sa pamahalaan.

Samantala, ginaganap taun-taon sa Casa Real de Malolos ang mga programang pang-alaala tungkol kay  Rizal sa bisa ng Kapasyahang Panglungsod Blg. 87-2020 na isinulong ng Order of the Knights of Rizal-Barasoain Chapter sa Sangguniang Panglungsod ng Malolos noong 2020.

Taong 2010 nang pinasimulan ng order ang pagdadaos ng nasabing mga programa para sa bayani.

Ito’y bilang pagkilala sa Casa Real de Malolos bilang pinagganapan ng unang Araw ng Pagluluksa para kay Rizal noong Disyembre 1898, sa direktiba ng noo’y Pangulong Emilio Aguinaldo sa panahon na ang Malolos ang kabisera ng Unang Republika ng Pilipinas. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here