BALER, Aurora – Pinagsama-sama ng mga kooperatiba ng kuryente sa Gitnang Luzon ang ang kanilang kakayanan upang mapabilis ang pagbabalik ng kuryente sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong “Labuyo” sa lalawigang ito.
Isang task force ang itinatag ng Central Luzon Electric Cooperatives Association (CLECA) upang tulungan ang Aurora Electric Cooperative (Aurelco) sa restorasyon ng kuryente sa mga bayan ng Dinalungan, Casiguran at Dilasag o Dicadi area.
Ang Task Force Labuyo ay binubuo ng 60 foreman at linemen na may 11 boom truck, ayon sa ulat ng Philippine Information Agency.
Ang Dicadi area ay isa sa mga pinakamalubhang sinalanta ng bagyong “Labuyo” kung saan tatlo katao ang namatay at tinatayang mahigit sa P500-milyong halaga ng ari-arian, imprastruktura at kabuhayan ang nawasak.
Ilang araw din itong nahiwalay sa ibang bahagi ng lalawigan at di mapuntahan dahil sa malawakang pagguho ng lupa bukod pa sa bagsak na komunikasyon.
Ang Rural Electric Cooperatives (REC), pinamumunuan ni National Association of Geneneral Managers of Electric Cooperatives (NAGMEC)-Region 3 and Pampanga Electric Cooperative, Inc.-1 (PELCO1) chief Loliano Alas ay nagsagawa ng send-off ceremonies sa mga miyembro ng TFL kasunod ng kumperensiya sa Nueva Ecija Electric Cooperative, Inc.-II Area 1 (NEECO II A1) sa Talavera, Nueva Ecija kamakailan.
Ayon kay Engineer Noel Vedad, Aurelco general manager, umabot sa 531 poste ng kuryente ang bumagsak at naputol sa kanilang nasasakupan. Nagkakahalaga ito ng P600,000.
Sinabi naman ni Reynaldo Villanueva, CLECA president and Neeco 2 Area 1 board chairman, ang TFL ay magbibigay ng serbisyo sa Aurelco nang libre. Tanging pagkain at pansamantalayang tutuluyan ng mga manggagawa ang sasagutin ng Aurelco, ayon sa kanya.
“Actually, this is the first time that Region 3 will be having this kind of task force,” ani Villanueva.