Pamamahala ng pribadong kumpanya sa kuryente, idinipensa

    425
    0
    SHARE

    PANTABANGAN, Nueva Ecija – Ninindigan ang alkalde ng bayang ito na makabubuti sa lahat at naayon sa batas ang pagkuha ng isang pribadong kumpanya upang mamahala sa operasyon ng Pantabangan Municipal Electric System (PAMES).

    Ginawa ni Mayor Romeo Borja ang pahayag sa gitna ng mga pagbatikos mula sa kanyang mga kalaban sa pulitika at ilang grupo ng residente laban sa operasyon ng Kaltimex Energy Philippines, Inc., isang kumpanyang nakabase sa Metro Manila na nangangasiwa sa PAMES mula noong Nob. 26, 2012.

    Ayon kay Borja, bago pa dumating ang Kaltimex ay matagal nang plano ang pagsasa-pribado o pagpapasailalim sa pribadong kumpanya ng operasyon ng PAMES.

    Nababalutan aniya ng pulitika ang operasyon ng PAMES sa kasalakuyang sistema na munisipyo ang nagpapatakbo kaya’t nahihirapan itong magbayad ng konsumo sa First Gen Hydro Power Corp., ang kumpanya ng pamilyang Lopez na nagsu-supply kuryente sa Pantabangan.

    Nito lamang unang linggo ng Enero, ayon kay Borja, ay nagbayad ng P14 milyon ang PAMES sa FGHPC, para sa kabuuang P21 milyon na naihulog mula noong Oktubre 2012.

    “Kasi ipapa-rehab mo ito (PAMES). Bago pa iyang Kaltimex, may mga proposal na kami sa rehabilitation ng tubig at saka kuryente,” paliwanang ni Borja.

    Katunayan, ayon sa kanya, ay pinaqgtibay ng sangguniang bayan noong Nobyembre ang isang rtesulution na nagbibigay sa kanya ng kapangyarihan na makipag-kontrata para sa naturang layunin.

    Paniniyak ni Borja, maayos ang operasyon ng kuryente sa kanila sa pagpasok ng Kaltimex na naglaan umano ng inisyal na P100 milyon para sa rehabilitasyon ng sistema.

    Matatandaan ng noong Hulyo 2012 ay ilang linggong walang kuryente ang malaking bahagi ng bayang ito matapos putulan ng FGHC ang PAMES.

    Kamakailan ay isang kilos-protesta ang isinagaqwa ng ilang grupo sa pangtunguna ng mga kandidatong alkalde laban sa hakbang ng munisipyo. Binatikos nila ang umano’y panggigipit ng Kaltimex sa mga residente.

    Pero ani Borja, tinututlan ng mga ito ang pamamahala ng pribadong kumpanya dahil mapipitlitan silang magbayad ng kani-kanilang mga bill ng kuryente.

    Sa ngayon, ayon sa alkalde, ay nasa mahigit P73 milyon ang collectibles ng PAMES at kabilang sa may pinakamalalaking utang sa kuryente ay ang kanyang mga kalaban sa pulitika.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here