I.
Natapos na ang halalan subalit may kandidato
na tila ba hindi tanggap ang kanilang pagkatalo
ang iba ay nanghihimok ng napakaraming tao
upang ‘sila’ y magprotesta laban sa mga nanalo
botante ang ginagamit upang magsampa ng kaso
gayong hindi naman sila ang dapat na magreklamo
II.
marami sa pulitiko ang di marunong tumanggap
ng kanilang kasawian sa halalang nakalipas
mga naging katunggali’y hinahanapan ng butas
kesyo sila ay dinaya kaya sila ay nalaglag
at kung iniisip nilang mayrong dayaang naganap
sila na lang ang kumilos ng naaayon sa batas
III.
Bakit kailangan pa nilang gamitin ang mamamayan
na maghain ng protesta upang sila’y ipaglaban
dapat sila ang kumilos dahil sila ang lumaban
at patunayang sila nga ay nadaya sa halalan
pati mga PCOS MACHINE ay pinagdidiskitahan
masabi lamang nila na nagkaroon ng dayaan
IV.
Sa Commission on Election may kandidatong ang hiling
na ang lahat balota ay matamang busisiin
hindi sila kumbinsido sa bilang ng PCOS MACHINE
kaya ang nais mangyari’y magkaron ng MANUAL COUNTING
kung palagi na lang ganyan ano ba ang dapat gawin?
PCOS MACHINE itapon na at hindi na gagamitin?
V.
Kahit naman noong araw sinasabing may dayaan
kahit na mano-mano pa ang sistema ng bilangan
ang reklamo naman noon, ng kandidatong talunan
diumano’y DAGDAG-BAWAS na naging usap-usapan
o kaya ay BALLOT SWITCHING na mahirap patunayan
na tila ba gawa lang ng malikot na kaisipan
VI.
Kada mayroong halalan dito sa’ting inang bansa
kandidato pag natalo, sasabihing siya’y NADAYA
lalo na ang mga ganid na ayaw ng MAGSIBABA
sa posisyon, na matagal na ring NAGPAPAKASASA
tila baga di matanggap ang kanilang PAGAWALA
sa laot ng pulitikang punong-puno ng BIYAYA
VII.
Sa lahat ng PULITIKO na hindi pinalad ngayon
bumawi na lamang kayo sa susunod na ELEKSIYON
dahil baka hindi ito ang tamang pagkakataon
upang kayo ay maglingkod ay di pa NAPAPANAHON
ibaling na lamang natin ang ating mga ATENSIYON
sa magagandang hangarin para dito sa’ting NASYON