Pagtataas ng PhilHealth contribution, hiniling ibimbin

    428
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG CABANATUAN – Nagkaisang hiniling ng mga alkalde sa Nueva Ecija sa Philhealth na kahit pansamantala ay huwag nitong ipatupad ang pagtataas sa kontribusyon ng mga kasapi.

    Sa pagpupulong ng League of Municipalities-Nueva Ecija Chapter (LMP-NE) na pinangunahan ni Peñarada Mayor Ferdinand Abesamis bilang pangulo ay pinagtibay ang isang resolusyon na humihiling sa ahensiya na huwag ipatupad ang 100 porsyentong pagtataas ng kontribusyon sa darating na dalawang taon.

    “Masyadong maaapektuhan ang serbisyo ng mga munisipyo sa kanilang mga kababayan,” ani Abesamis.

    Mula sa kasalakuyang P600 kada taon ay nais ng Philhealth na itaas ito sa P1,200, ayon sa resolusyon.

    Binanggit ni Abesamis ang sitwasyon kung saan nabawasan na rin ang kanilang internal revenue allotment (IRA), ang bahagi ng pondo mula sa buwis na nasisingil ng pamahalaang nasyunal at ibinabalik sa pamahalaang lokal, ng 4%.

    “Lumiit na ang aming IRA ay tataas naman ang babayaran para sa kalusugan ng taumbayan,” dagdag ng alkalde.

    Niya, kung itutuloy ang pagtataas ay mangangahulugan ito na sa bawat 100 residente na ipinagbabayad nila ngayon ng kontribusyon ay mababawasan ng 50.

    “Kawawa naman ang limampu,” pagbibigay-diin ng LMP-NE president.

    Sinabi naman ni Dr. Benjamin Lopez, hepe ng provincial health office (PHO) ng Nueva Ecija, na makabubuting magpulong ang mga opisyal ng PhilHealth at LMP-NE.

    Sa kanyang pagkakalam umano ay nakahanda ang PhilHealth na makipagdayalogo sa mga lokal na opisyal.

    Naniniwala si Lopez sa posibleng negatibo ang epekto ng pagtataas ng kontribusyon.

    Kung hindi mapipigilan ang hakbang, ayon sa mga alkalde, ay maaari silang humiling sa pamahalaang panlalawigan na lumikha ng isang sistema na maaaring makatugon sa pangangailangan ng mga Novo Ecijano sa pagtiyak ng pangangailangang pangkalusugan, tulad ng health insurance.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here