2 konsehal ng bayan nahulihan ng mga baril

    423
    0
    SHARE

    LICAB, Nueva Ecija – Dalawang konsehal ng bayan mula sa magkalabang pamilya at isa pang residente ang nahaharap ngayon sa kasong kriminal matapos mahulihan ng iba’t ibang matataas na klase ng baril sa Barangay Casimiro ng bayang ito noong nakaraang linggo.

    Pormal na sinampahan ng kasong iligal na pagmamay-ari ng baril sina Konsehal Rafael Rivera, Jr. ang kanyang kamag-anak na si Reynaldo Co at kalaban sa pulitika na si Konsehal Alberto Caraang, pawang residente ng Barangay Casimiro.

    Ayon kay Supt. Ricardo Villanueva, hepe ng intelligence and investigation branch ng Nueva Ecija police provincial office (NEPPO), samu’t saring armas ang nabawi sa tahanan ng tatlo matapos magsagawa ng pagsisiyasat ang mga pulisya at provincial public safety company sa bisa ng search warrant na pinalabas noong Feb. 7 ni Judge Celso Baguio, executive Judge ng Gapan regional trial Court.

    Narekober mula kay Rivera ang isang  di-lisensiyadong cal. 30 US carbine at isang cal. 45 pistola samantalang kay Co ay isang 12-gauge shotgun na may pasong lisensiya ang nabawi ng otoridad, ayon kay Villanueva.

    Nabawian naman si Caraang ng isang Armalite rifle, isang 9mm pistola at isang cal. 45 pistola.

    Sinabi ni Villanueva na bukod sa mga baril ay marami ding magasin at bala ng iba’t ibang kalibre ng baril ang narekober mula sa mga suspek.

    Iginiit ni Caraang na lisensiyado ang kanyang mga baril.

    Pero sinabi ni Villanueva na posibleng may nalabag na batas si Caraang dahil ang mga baril ay natagpuan sa ibang bahay na malayo sa lugar na isinasaad sa permiso nito.

    Si Caraang, kapatid ni Vice Mayor Luisito Caraang na napatay bago ang halalang pambarangay noong Oktubre 2010, ay nakaligtas sa isang pananambang noong nakaraang Nobyembre sa Cabanatuan City.

    Namatay kaagad sa mga tama ng bala ang kanyang kasama sa sasakyan nang matambangan, ayon sa ulat ng pulisya.

    Si Rivera, sa kabilang dako, ay kasalakuyang nakaratay dahil sa mga tama ng bala mula sa M16 Armalite rifle nang pagbabarilin sa kanyang bakuran noong gabi ng Jan. 4, 2012.

    Ipinaliwanang naman ni Villanueva na ang kanilang operasyon ay bahagi ng kanilang kampanya laban sa loose firearms alinsunod sa “LOI Kontra Boga.”

    Layunin din aniya nito na mawala ang tensiyon na dulot ng labanang pulitikal.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here