Home Opinion ANG MASAYA AT MALUNGKOT SA RESULTA NG HALALAN

ANG MASAYA AT MALUNGKOT SA RESULTA NG HALALAN

185
0
SHARE
I.
Pagkatapos ng eleksiyon marami ang malulungkot
unang-una na ang mga kandidatong di lumusot
pati mga supporters na kasama sa paglilibot
sa pangangampanya nila’t walang sawang pag-iikot
sila’y makadarama ng hindi matingkalang kirot
sa kasawiang natamong hindi basta malilimot
II
Sino nga ba naman ang di masasaktan ang damdamin?
kung mauunsiyami lamang ang napakabuting hangarin
dahil di katanggap-tanggap kung ikaw ay tatalunin
ng kandidatong alam mong hindi dapat tangkilin
lalo ng mandarambong na walang mabuting gagawin
kung di ang magnakaw lamang sa kaban ng bayan natin
III.
sa kabilang dako naman ang mga nagsipagwagi
maaliwalas ang mukha’t may ngiti sa mga labi
tila walang katapusan ang kanilang pagbubunyi
sa pagod, gastos at puyat ay talagang nakabawi
pati ang mga alagad na kasa-kasama lagi
kahit madaling araw na’y ayaw pa ring magsi-uwi
IV.
Sa kanilang mga puso’y nag-uumapaw ang saya
mayrong mga naluluha sa ligayang nadarama
may nagpapalakpakan at sumasayaw sa kalsada
kahit walang tumutugtog tuloy ang pag-indak nila
walang patid, walang humpay ang kanilang pagsasaya
at ang pasasalamat sa nagtiwala sa kanila
V.
Sa lahat ng di pinalad na manalo sa halalan
wag masyadong diribdibin inyong naging kasawian
masakit man sa damdamin ang tinamong kabiguan
sa inyong pagkatao ay hindi ito kabawasan
darating din ang panahon at mabibigyan daan
ang inyong pagnanais na maglingkod sa ating bayan
VI.
At sa lahat ng nanalo sana ay hindi mabigo
mga taong nagtiwala sa inyo ng buong puso
at sa inyong binitawang matatamis na pangako
huwag sanang hahayaang basta na lamang mapako
ang serbisyong nararapat ibigay ng buong-buo
sa’ting mga mamamayan ng sino mang namumuno
VII.
Natapos na ang halalan lahat tayo’ymagkaisa
at iwasan na dapat ang sobrang pamumulitika
irespeto na lang natin kung anuman ang resulta
ng eleksiyon dahil yan ang kagustuhan ng mayorya
ipagkaloob natin ang nararapat na suporta
para sa ikauunlad nitong ating bansang ina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here