I.
Kailangan bang MAGSIRAAN pa ang mga kandidato
sa pangangampanya upang MAKAPANGHIMOK ng tao?
hindi ba ang nararapat ay kanilang I-ANUNSIYO
kung ano ang tunay nilang plataporma de gobyerno
sa ganitong paraan ay malalaman ng PUBLIKO
ang mga karapat-dapat na kanilang IBOBOTO
II.
Ang sino mang kandidato’y di na dapat MAGSIRAAN
kahit pa ang akusasyon ay mayrong KATOTOHANAN
lalo na kung ang USAPIN ay lubhang napakaselan
ito’y hindi nararapat pa na IPANGALANDAKAN
kung ang dangal ng babae na NASASAGASAAN
ito’y isang karahasan sa ating KABABAIHAN
III.
Ang sinomang lalake na PUMAPATOL sa babae
masasabi na rin nating daig pa ang BINABAE
MALABSA ang pag-iisp at mahina ang KUKOTE
na kung tawagin ng iba ay mga utak KAMOTE
ang mga kalalakihang sa babae’y BAYOLENTE
ay masasabi rin nating WALANG BAIT sa sarile
IV.
Kalaban sa pulitika’y pwede namang BATIKUSIN
kung mayroong kaugnayan sa pagganap sa TUNGKULIN
ito ay pamamaraan upang kanilang PUKAWIN
tulog na PAG-IISIP ng mga kababayan natin
dahil maraming botanteng hanggang ngayo’y BULAG pa rin
sa tunay na nangyayaring ayaw nilang bigyan pansin
V.
Ngunit kung sa PAGTULIGSA ay may mga nadadamay
na KAANAK at iba pang bahagi ng ating buhay
lalo na sa mga BATA na walang kamalay-malay
sa usaping pulitika ito’y KARAHASANG TUNAY
ang mga pananalitang mapanglait at MAHALAY
sa puso at sa damdamin ay nag-iiwan ng LATAY
VI.
PRIBADONG PAMUMUHAY ng kalaban sa pulitika
ay hindi na nararapat pang ito ay UNGKATIN pa
pati na kung anong uri PAGKATAO mayron sila
at anumang KAPINTASAN di na dapat ibandera
ito’y magdudulot lang ng labis na PAGKADISMAYA
sa sino mang mamamayang nakikinig sa kanila
VII.
Manapa ay IPAHAYAG na lamang sa mga tao
ang tunay na hangarin at PLATAPORMA DE GOBYERNO
hindi na dapat MANIRA pa ng kapwa kandidato
dahil sa KANDIDATURA ito’y makakaapekto
partikular kung BABAE ang kinakalaban ninyo
ito’y di katanggap-tanggap sa KULTURANG PILIPINO