NFA, inirereklamo ng mga magsasaka

    592
    0
    SHARE

    )SAN JOSE CITY – Naging sentro ng pagbatikos mula sa sektor ng magsasaka ang National Food Authority (NFA) sa isang pagpupulong na dinaluhan ni Agriculture Sec. Proceso Alcala sa lungsod na ito kamakailan.

    Ayon sa ilang lider magsasaka, bigo umano ang NFA na tulungan silang makaahon mula sa pinsalang idinulot ng kalamidad, partikular ng mga bagyong “Pedring” at “Quiel” sa kanilang pananim at sa halip ay napipilitan silang ipagbili ito ito sa pribadong mangangalakal na kadalasan naman “ay halos gustong hingin na lang.”

    “Hindi binibili ng NFA. So pag bibilhin naman po ito ng traders, walong piso po ang isang kilo at kung minsan halos hingin na lang,” ayon sa isang lider magsasaka.

    Dahil sa mga reklamong ito ay inatasan naman ni Alcala ang mga opisyal ng NFA na magpaliwanag at hinggil sa pinaiiral na patakaran sa pamimili sa gitna ng pagbibigay-diin sa kautusan ni Pangulong Aquino na bumili ang ahensiya ng “storm-damaged” na palay.

    Sa ulat ni Engr. Serafin Santos, provincial agriculturist, tinatayang umaabot sa 1.1 milyong metrong tonelada ng palay sa Nueva Ecija ang malubhang nasalanta ng nagdaang kalamidad.

    Ang reklamo ng mga magsasaka sa pulong ay umayon sa naunang pahayag ni Board Member Raminito Juatco ng ika-4 na distrito, na hindi nararamdaman ng mga magsasaka sa kanyang distrito ang suporta ng NFA.

    Sa pagdinig ng sangguniang panlalawigan, sinabihan ni Juatco ang NFA provincial manager na si George Roca na palawakin ang serbisyo at magpadala ng mobile procurement teams sa mga barangay upang matulungan ang mga nagdurusang magsasaka.

    Ang ika-apat na distrito ay iniulat na pinakamalubhang nasalanta ng pagbaha, lalo na ang mga bayan ng Zaragoza, Jaen, San Antonio, San  Leonardo at Cabiao.

    “Hindi talaga sila nararamdaman ng mga magsasaka,” ani Juatco.

    Ayon kay Roca, mayroon lamang silang dalawang trucks na umiikot sa probinsya upang mamili.

    Ang Nueva Ecija na sentro ng produksyon ng bigas at pangunahing nagsu-supply ng butil sa Metro Manila at Region 4 ay binubuo ng limang lungsod at 27 bayan.

    Kaugnay nito ay ipinaliwanag ni Asst. Regional Dir. Angel Imperial ang sistema sa pamimili ng “storm-damaged” na palay. Kalalabas lamang aniya noong nakaraang Lunes ang guidelines sa pamimili ng nasirang palay.

    Sa ilalim ng patakaran, aniya, ang mga butil na may pagkasirang  7.1 hanggang 40 percent (dry) ay bibilhin ng NFA sa halagang  P11 kada kilo; ang 14.1 percent hanggang 60 percent, P9 bawat kilo samantalang ang  60.1 percent hanggang 80 percent ay P7 bawat kilo.

     “Below that po, hindi na natin kayang bilhin,” ani Imperial.

    Hindi pa rin matanggap ng mga magsasaka ang ganitong pamantayan dahil nangangahulugan daw na “patukang-itik na lamang” o walang pakinabang ang karamihan sa kanilang mga ani.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here