Home Headlines Kapulisan sa Gitnang Luzon naka-full alert na para sa ligtas, payapang...

Kapulisan sa Gitnang Luzon naka-full alert na para sa ligtas, payapang halalan 2025

160
0
SHARE

LUNGSOD NG SAN FERNANDO — Alinsunod sa kautusan ng Philippine National Police Headquarters, isinailalim na sa “Full Alert Status” ang Police Regional Office 3 mula 12:01 umaga ng Mayo 3 hanggang 11:59 gabi ng Mayo 15. Ito ay bahagi ng mas pinaigting na paghahanda para sa seguridad, siyam na araw bago ang nakatakdang national at local elections sa Mayo 12.
Ayon kay PRO3 director BGen. Jean S. Fajardo, puspusan ang kanilang paghahanda upang matiyak ang isang mapayapa, maayos, at malinis na eleksyon sa buong rehiyon ng Gitnang Luzon. “Kami ay nakikipagtulungan sa Comelec, AFP, at iba pang ahensya ng gobyerno upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan sa araw ng halalan. Ang kapayapaan ng halalan ay kapayapaan ng sambayanan.”
Kabilang sa mga direktibang ipinatupad sa ilalim ng Full Alert Status ay ang pag-deploy ng karagdagang pulis sa mga identified election areas of concern at voting centers sa mga lalawigan ng Bulacan, Nueva Ecija, at Pampanga.
Nakahanda na rin ang mga quick reaction forces (QRF) at reactionary standby support forces (RSSF) upang agad tumugon sa anumang insidente ng karahasan o kaguluhan.
Tiniyak ng PRO3 na 24/7 ang kanilang monitoring operations, katuwang ang mga intelligence units, upang agad matukoy at maagapan ang anumang banta sa seguridad.
Nanawagan din ang PRO3 sa publiko na makipagtulungan sa kapulisan, iwasan ang pagkalat ng maling impormasyon, at agad iulat ang anumang kahina-hinalang kilos na maaaring makasagabal sa halalan.
“Ang eleksyon ay hindi lamang responsibilidad ng gobyerno, kundi ng bawat mamamayang Pilipino. Sama-sama nating pangalagaan ang ating demokrasya,” pagtatapos ni Fajardo.
Nakaalerto na rin ang mga istasyon ng pulisya sa mga barangay upang tumanggap ng ulat mula sa publiko at tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng mga batas sa panahon ng halalan. PRO-3

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here