Opisyal ng LRA idinadawit sa pagpatay sa asawa

    482
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG CABANATUAN – Tahasang iniugnay ng mga kamag-anak ng napaslang na dating kawani ng Land Bank of the Philippines (LBP) dito sa krimen ang asawa ng biktima na isang mataas na opisyal ng Land Registration Authority (LRA).

    Si Atty. Teodoro Linsangan, 63,  hepe ng Register of Deeds sa Nueva Ecija, ay pinakakasuhan sa Department of Justice (DOJ) ng parricide o pagpatay umano sa kanyang asawa na si Florinda Cuevas-Linsangan, 59, ng Barangay Aduas Centro ng lungsod na ito.

    Ang biktima ay natagpuang patay sa kuwarto ng mag-asawang Linsangan bandang 12:20 ng tanghali noong Hulyo 16, 2011, ayon sa pulisya.

    Bukod kay Linsangan ay kinasuhan rin ng murder ang kanilang kasambahay na nakilalang si May Jane Lopez, 25, residente ng Barangay San Cristobal, Licab, Nueva Ecija, ayon kay Senior Supt. Roberto Aliggayu, direktor ng Nueva Ecija police provincial office (NEPPO).

    Ayon kay Supt. Peter Naboye, hepe ng provincial investigation and detective management branch ng NEPPO, ang pangalan ni Linsangan ay isinama sa liham kahilingan ni Reynaldo Cuevas, kapatid ng biktima, kay DOJ Sec. Leila De Lima kamakailan.

    Tinawag naman ni Linsangan na walang basehan ang mga akusasyon laban sa kanya. Bago naging hepe ng RD, si Linsangan ay nagsilbi bilang piskal o taga-usig ng pamahalaan.

    Inindorso naman ni Aliggayu ang liham ng pamilya Cuevas kay De Lima noong Aug. 3.

    Hiniling pa ni Aliggayu kay De Lima na ipatigil ang pagdinig sa hukuman habang isinasagawa ang muling imbestigasyon.

    Binigyang diin ni Linsangan na nasa hukuman na ang kaso na robbery with homicide na nauna na niyang isinampa laban kay Lopez.

    Murder ang orihinal na kasong isinampa laban kay Lopez ngunit ibinaba ito sa robbery with homicide dahil  sa pahayag ni Linsangan.

    Sinabi niya sa pulisya na nawawala ang passbook nila sa LBP at cash na P30,000 samantalang nadatnan niyang bukas ang bag ng biktima sa ibabaw ng kanilang kabinet.

    Posible aniyang nahuli sa akto ng kanyang misis na nagnanakaw si Lopez kaya’t ito ay pinatay.

    Ayon kay Linsangan, galing siya sa trabaho nang matagpuan niya ang asawa na nakahandusay sa banyo.

    Kaagad umano siyang humingi ng tulong sa mga kasambahay upang madala sa ospital ang biktima kung saan ay idineklara itong dead on arrival.

    Sa panayam ng media ay kinwestyon ni Naboye kung bakit si Linsangan na isang abogado ay pinayagan umano ang paglilinis ng crime scene. Pero ani Linsangan, nasa ospital umano siya ng linisin ang pinangyarihan ng krimen.

    Natuklasan din ng mga imbestigador, ayon kay Naboye, na madalas nag-aaway ang mag-asawang Linsangan.
    Inalok umano ng P500,000 ni Linsangan si Lopez upang patayin ang biktima at tatlong beses umanong sinabihan nito si Lopez.

    Una, ayon kay Naboye ay noong buwan ng Hunyo, sinudan ito noong July 8 at ikatlo ay nitong July 15.

    Hindi umano nakayanan ni Lopez ang lakas ni Cuevas-Linsangan kaya’t hindi kaagad napatay sa sakal. Dahil dito ay si Linsangan na umano ang tumapos sa buhay ng asawa sa pamamagitan ng pagpalo ng bareta de kabra.

    Mariing itinatanggi ni Linsangan ang mga akusasyong ito. Mahal na mahal daw niya ang kanyang asawa at imposibleng magawa niya ang krimen. Nasasaktan na rin daw siya sa aniya’y mga maling paratang sa kanya.

    Katunayan, ani Linsangan, ay halos araw-araw silang magkasama na nage-aerobics sa Ninoy Aquino Freedom Park sa lungsod na ito dahil ang kanyang ginang ang pangulo ng lokal na samahan ito.

    Nang umaga nga raw na maganap ang krimen, ay pinuri pa siya nito na lumiliit na ang kanyang tiyan dahil sa detoxification na kanilang ginagawa.

    Sa kanilang liham kay De Lima, ang mga kapatid ng biktima ay nagpahayag ng pangamba na magamit ni Linsangan ang impluwensiya nito bilang dating piskal at hepe ng RD.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here