LUNGSOD NG SAN JOSE – Arestado ang isang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos maaresto dahil sa kawing-kawing na kasong kriminal, kabilang na ang robbery at contempt of court sa Barangay Abar 1st sa lungsod na ito noong Biyernes.
Kinilala ni Supt. Edgar Alan Okubo, hepe ng Provincial Public safety Company (PPSC), ang suspek na si Sherwin Holgado, 32, residente ng Christianville Sub., ng nabangit na barangay.
Iniulat ni Okubo na si Holgado ay naaresto sa bisa ng iba’t ibang warrant of arrest laban sa kanya na pinalabas ng hukuman noong April 29, May 16, July 12 at July 18 ng dalawang regional trial courts (RTCs) at isang municipal trial court in cities (MTCC) sa Cabanatuan City.
Ang mga warrant ay pinalabas ni RTC Branch 27 Judge Angelo Perez dahil sa kabiguan ni Holgado na dumalo sa dalawang pagdinig na may kinalaman sa ipinagbabawal na gamot;
RTC Branch 25 Judge Teresita Cativo para sa kasong robbery; at ni MTCC Branch 1 Judge Ana Marie-Joson Viterbo para naman sa grave coercion.
Walang inirekomendang pyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan sa kanyang di-pagdalo sa mga pagdinig samantalang may kabuuang P112,000 ang itinakdang piyansa para sa robbery at grave coercion.
Ayon kay Okubo, ang mga kasong robbery at grave coercion ay nagmula sa isang pangyayari noong February 19 kung saan si Holgado, kasama ang tatlong iba pa, ay pumasok sa bahay ng negosyanteng si Zenaida Bustamante sa Purok 1, Barangay MS Garcia, Cabanatuan City nang walang search warrant at tumangay umano ng P16,000 at apat na cellular phones.
Habang papaalis sa bahay ni Bustamante, nagpaputok umano ng baril ang mga suspek upang takutin ang mag saksi. Isa pang nakasaksi ang isinama ng mga suspek sa kanilang get-away vehicle at kinunan ng salapi.
Ang dalawang warrant ay may kaugnayan sa pagdinig na nakatakda noong June 10,2010 at September 20,2010 na nagresulta sa pagka-aresto ng ilang drug pusher sa Cabanatuan City.
Ayon kay Okubo, bukod sa mga nabanggit na kaso ay may nakabinbin pa ring kasong illegal possession of firearms and grave threats sa mga lungsod ng Muñoz at San Jose si Holgado.