Kakaibang dula itinanghal sa Ecija

    810
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG CABANATUAN – Mula sa kanyang pagkakaupo sa gilid ng entablado ay makikitang punong-puno ng sigla ang ngiti ni Aling Estelita Dizon, 75, habang nanonood sa itinatanghal na palabas – ang Arakyo – na noong kanyang kabataan ilang dekada na ang nakakaraan ay kanyang pinagbidahan.

    Ang Arakyo, isang dalawang araw na pagtatanghal na nagsasabuhay sa paghihirap nina Reyna Elena (Sta. Elena) at kanyang anak na si Constantino sa paghahanap ng krus na pinagpakuan kay Hesu-Kristo may 300 taon matapos ang Kanyang kamatayan, ay sinimulang isadula sa Purok Tres, Barangay Sumacab Sur sa lungsod na ito.

    Ang pagtatanghal ay sinisimulan tuwing umaga ng Mayo 6 hanggang hatinggabi ng ng Mayo 7, taun-taon, bilang bahagi ng kanilang kapistahan, ayon kay Avelino Catahan, tagapamuno.

    Inilarawan ni Aling Estelita ang kanyang sarili na “magaan ang katawan at masarap ang pakiramdam,” lalo na at nalalapit ang pagtatanghal ng Arakyo kung saan siya ay gumanap na Reyna Elena ng apat na beses simula nang siya’y 15 taong gulang .

    Para sa kanya, isang mabuting panata ang pagtatanghal ng Arakyo.

    Ang Arakyo ay katumbas ng santacruzan ngunit samantalang ang Santacruzan na tinatampukan ng mga kabataang babae na ipinaparada kasama ang kani-kanilang konsorte ay karaniwang ginaganap sa maraming bahagi ng bansa, ang una ay kakaunti lamang ang nagsasagawa.

    Mayroon itong hindi kukulangin sa 17 tauhan sa pangunguna nina Reyna Elena at Constantino. Naririyan din ang mga sundalo ng Roma at Persiya. Ang mga dayalogo ay patula at pasayaw at ang mga pagkilos ay may saliw-musika mula sa isang banda.

    “Ang training sa bagong talent ay sinisimulan namin ng Pebrero hanggang sa mismong bisperas ng palabas,” ani Catahan.

    Inamin niya na ang mga miyembro ay nahihirapan ding mag-memorya ng linya kaya’t sa ilang pagkakataon ay kailangan silang gabayan ng isang tao sa likod ng tanghalan. “Patula pa kaya hindi pwedeng magpalit basta ng salita sa linya,” aniya.

    “Kanya-kanyang paniwala yan. Pero naniniwala kami na maraming biyaya ang natatanggap namin dahil sa Arakyo,” dagdag ni Catahan.

    Para kay Yasmine Garbriel, 15, ang Reyna Elena ngayong taon, ang pagtatanghal ay katuparan ng kanyang matagal nang pangarap na makabilang sa makulay na palabas. “Masayang masaya po dahil noon ko pa pangarap,” aniya.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here