LUNGSOD ng Balanga: Isang araw bago ang selebrasyon ng ika-83 taong Araw ng Kagitingan, binigyang-parangal ng Bataan provincial government ang mga beterano ng World War II sa pamamag-itan ng mahaba at makabuluhang parada na dinaluhan ng iba’t ibang sector noong Martes.
“Ang mga beterano ay itinuturing na ‘Living Treasures’ ng ating Lalawigan na sa bisa ng isang ordinansa ng ating Sangguniang Panlalawigan, sila ay pinagkakalooban ng mga benepisyo tulad ng regular na tulong pinansyal, libreng serbisyong medikal, at iba pang uri ng suporta bilang pagkilala sa kanilang kabayanihan,” sabi ni Gov. Jose Enrique Garcia 3rd.
Pinasalamatan ng governor si National Commission for Culture and the Arts Executive Director Dr. Eric Zerrudo na dumalo at nagsilbing panauhing tagapagsalita ng programa.
Nakasama rin sina Cong. Abet Garcia, Vice Gov. Cris Garcia, Bokal Popoy Del Rosario, mga mayors at iba pang lingkod-bayan.
“Nawa’y patuloy nating pahalagahan ang mga iniwang aral ng ating mga bayani at isabuhay ito sa ating pang-araw-araw na pamumuhay,” sabi ni Garcia. (30)