Dalaga, wanted sa pagtangay ng 2 bata

    443
    0
    SHARE
    SAN JOSE CITY – Dalamhati ang naging sukli sa nagmagandang-loob na lola matapos tangayin ang kanyang dalawang apo ng isang dalaga na pinatuloy sa kanilang bahay.

    Bagaman naibalik na sa pamilya ang nakatatandang apo na si Hena, 7, ay halos mawala sa sarili si Aling Francisca Ancheta dahil hanggang noong Biyernes ay hindi pa rin nakakauwi ang nakababata nitong kapatid na si Jamaica, 4.

    Si Aling Franmcisca, residente ng Barangay Tayabo, San Jose City ay nanguha lamang ng papaya na ititinda sa palengke kamakailan nang tangayin ng isang nagpakilalang Mary Jane Bautista ang kanilang mga apo.

    Ayon kay Ancheta, una niyang nakita si Batutista sa palengke ng San Jose City nang tumambay ito sa harapan ng pwesto na kanyang pinagtitindahan. Naawa umano siya sa babae at nangambang dahil may kagandahan ito ay posibleng may mangyaring masama sa kanya.

    Dahil dito, dagdag ni Ancheta, isinama niya si Bautista sa kanyang bahay sa Barangay Tayabo kung saan nanatili roon hanggang dalawang araw.

    Subalit nang dumating si Ancheta sa kanilang bahay mula sa pangunguha ng papaya ay napag-alaman niyang tinangay na ni Bautista ang kanyang mga apo.

    Noong Enero 22, naibalik sa pamilya si Hena matapos itong dalhin ng isang residente ng Talavera, Nueva Ecija sa municipal social welfare and development office. Ayon sa nagsauli, hiningan umano siya ni Bautista ng P600 dahil kailangan umanong umuwi sa Sta. Maria, Quirino upang ipagamot ang kanyang kapatid na ina umano ng mga bata.

    Inusisa pa ng pinag-iwanang babae kung bakit umiiyak ang mga bata ngunit ikinatwiran umano ng suspek na dahil maysakit nga ang ina ng mga ito.

    Sa report ng MSWD, nanghihingi pa umano ng P10,000 ang suspek sa babaeng pinag-iwan kay Hena upang iwanan na rin ang nakababatang si Jamaica.

    Ayon kay Ancheta, madalas na sinisisi niya ang kanyang sarili sa sinapit ng kanyang mga apo.

    “Nagtiwala ako sa kanya at napakainosente niyang bata at dalaga at walang kaayos-ayos. Parang yagit ang dating,” ani Ancheta.

    Tanging pananalig na lamang sa Poong Maykapal at paglapit sa kinauukulan ang nagbibigay sa kanya umano ng lakas ng loob sa ngayon dahil narin sa kawalan sa buhay.

    Sa ngayon, ayon kay Ancheta, sa gitna ng paninisi sa kanya ng ama ng kanyang mga apo ay tanging sa Diyos na lamang niya iniaasa ang kapalaran ng apong si Jamaica.

    Patuloy pa rin naman ang operasyon ng otororidad upang mahuli ang suspek at maibalik ang bata.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here