Napupulbos na aspalto sa Ecija-Cagayan road, binusisi ng Sangunian Panlalawigan

    310
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG CABANATUAN – Iniimbestigahan ngayon ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang kaso ng “napupulbos na aspalto” sa iba’t ibang bahagi ng pambansang lansangan sa lalawigan, lalo na sa Nueva Ecija-Cagayan Valley Road.

    Ipinatawag ng SP ang dalawang district engineer ng Nueva Ecija na sina Ramiro Cruz at Ulysses Llado ng una at ikalawang distrito, ayon sa pagkakasunod kaugnay ng pagbusisi sa tinaguriang “asphalt road scam.”

    Nagpahayag ng pangamba ang ilang opisyal na substandard ang ginamit na materyales sa asphalt overlay ng lansangan na pinangasiwaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

    Ang imbestigasyon ay nagsimula sa mosyon para sa isang legislative inquiry na inihain ni BM Joseph Ortiz, Lakas-CMD, ng ikalawang distrito.

    Ayon kay Ortiz, nagtataka siya kung paanong ang kaka-aspaltong lansangan ay mapulbos na. “Parang hinugasang buhangin,” paglalarawan ni Ortiz sa isang bahagi ng lansangan sa Caanawan, San Jose City na nasasakupan ng kanyang distrito.

    Ayon sa ulat, isa pang bahagi ng Maharlika Highway na may grabeng napupulbos na asplato ay ang may 200 metrong kahabaan mula sa Eduardo L. Joson Memorial Hospital (ELJMH) sa Barangay Bitas hanggang Daang Sarile, dito.

    Ang bahaging ito ay kasama sa P28-milyon ng isang kilometrong lansangan mula sa Araullo University (Bitas) na sinimulang ipagawa noong Marso 2009.

    Binigyang diin ni Ortiz ang matinding panganib ng aksidente at pagkasira ng mga sasakyan ng sira-sirang lansangan.

    Naniniwala rin si Rep. Joseph Violago, ng ikalawang distrito, na bagsak ang kalidad ng ginamit na materyales sa konstruksyon. Tinawagan na niya umano ng pansin ang DPWH.

    Ngunit tiniyak ni Cruz na walang irregular sa konstruksiyon ng lansangan. Nasa proseso aniya ang ahensiya ng pagsasaayos sa mga butas sa tulong ng Manila-based na contractor.

    Naapektuhan din daw ng kalilipas na bagyong “Kiko” ang lansangan.

     “In fact, this problem of asphalt roads being damaged is a nationwide problem, especially with the occurrence of typhoons,” aniya.

    Sinabi naman ni Llado, DPWH district engineer for southern Nueva Ecija, na nasasakop pa ng kontrata sa nakakuhang kumpanya ang pagsasa-ayos sa nasirang bahagi ng national highway.

    “Water is usually the bane of asphalt. Once submerged in water, it deteriorates fast. Even Edsa is full of potholes, especially those made of asphalt ,” paliwanag niya.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here