Pulis, bus operators nagpulong kontra highway robbery

    441
    0
    SHARE
    CABANATUAN CITY – Pinulong ng pamunuan ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) ang mga nagpapatakbo ng iba’t ibang kumpanya ng pampasaherong bus na bumibiyahe sa lalawigan noong Biyernes.

    Ayon kay Senior Supt. Ricardo Marquez, NEPPO director, layunin ng pagpupulong na dinaluhan ng may 17 bus operators, kasama ang mga biyaheng probinsiya at Metro Manila, na masawata ang mga holdapan na nagaganap sa mga lansangan na karaniwang nagiging biktima ay sila at mga pasahero.

    Batay sa ulat ng pulisya, umaabot na sa 27 ang robbery-hold-up na naganap sa mga bus sa unang tatlong buwan ng 2009. Sa gitna nito ay ang pagkabuwag sa ilang grupong kriminal at pagkapaslang ng mga hinihinalang miyembro ng robbery hold-up gangs.

    Ayon kay Supt. Ricardo Villanueva, hepe ng police community relations branch (PCRB) ng NEPPO, 14 sa naturang bilang ang nalutas at isinasailalim naman sa follow-up operations ang iba pa.

    Napaslang sa isang operasyon si Noel Sarmiento, lider ng Alakdan group, at naaresto ang ilang mga miyembro nito na sina Erwin Galindo, Rommel de Guzman, Norberto Castro, Aldrin Viloria, Rodel Mendoza, Jeffrey Calianagan at Elueterio Corpuz.

    Sa pagpulupong na dinaluhan din ng mga hepe ng pulisya sa Nueva Ecija, napagkasunduan na lilikha ng mga hakbang upang epektibong maipabatid sa may-kapangyarihan ng mga driver, kondutor o maging pasahero ng bus na may nagaganap na holdap sa loob ng isang tumatakbong sasakyan.

    Binigyang-pansin ni Marquez ang panganib ng hindi sistematikong pag-responde sa isang bus hold-up dahil sa dami ng tao na maaaring maapektuhan.

    Kabilang sa planong hakbang ang pagbibigay ng “distress call” ng bus crew. (Sadyang hindi inilathala ng Punto ang mga hakbang na ito upang hindi masira ang operasyon.)

    Isa sa mga hakbang, gayunman, ay ang madalas na police visibility at open marshal kung saan ang mga pulis ay maaaring sumakay at magmatyag sa mga pasahero ng isang tumatakbong bus saan mang bahagi ng paglalakbay.

    Tiniyak ni Marquez at mga hepe ng pulisya na may sapat na kasanayan ang mga operatiba kaya’t maiiwasan ang kapahamakan ng mga inosenteng partido.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here