I
Ano na kaya ang plano nitong SANGGUNIANG BAYAN
ng SAN SIMON sa darating na panahon ng tag-ulan
lalo ngayong SARADO na ang tulay na nag-uugnay
sa TULAOC at SALUZU na papuntang kabayanan
dahil ayon sa balita ang konstruksiyon ay tatagal
ng mahigit isang taon kapag ito’y sinimulan
II
Kaya ngayon pa lamang ay kay daming NAGHIHIMUTOK
estudyante’t manggagawang araw-araw pumapasok
bago sila makarating sa barangay ng TULAOC
sa baryo Sta Monica ay kailangan pang umikot
dumoble ang pamasahe nitong mga NAGKO-COMMUTE
kung kaya’t lalong lumaki ang kanilang mga GASTOS
III
Hindi pa yan ang problema na dadanasin ng lanat
kapag ang sinarang TULAY ay hindi natapos agad
ang STA. MONICA BRIDGE man nanganganib na MAWASAK
dahil dito dumadaan mga NAGLALAKIHANG trak
mga trailer galing NEW HOPE na may kargang mabibigat
yumuyugyog ang kalsada na kanilang binabagtas
IV
Mayroon namang PABATID na mababasa sa daan
alternatibong kalsada ay pang LIGHT VEHICLES lamang
subalit ang mga trak ay patuloy na DUMADAAN
sa baryo Sta. Monica sa kanilang paglalakbay
kailan nila PIPIGILIN mabibigat na sasakyan,
kapag sira na ang tulay at wala ng MADAANAN ?
V
Sa panahon ng TAG-ULAN dahil sa pagkakasara
nitong tulay sa Tulaoc ay lalala ang PROBLEMA
taun-taon ang LA TREVI binabaha ang kalsada
ganoon din ang PUROK 2 ng baryo Sta. Monica
kapag ito ang nangyari wala ng dadaanan pa?
ang mga COMMUTING PUBLIC pati mga motorista
VI
Ano kaya ang gagawin ng KONSEHO ng San Simon?
sa problema na kailangang pagtuunan ng ATENSIYON
matagal pa ang tag-ulan kaya mayron pang PANAHON
upang ito ay ayusin at mabigyan ng SOLUSYON
sana bago pa sumapit nalalapit na ELEKSIYON
ito muna ang unahin bigyan ng agarang AKSIYON
VII
Ang lansangan sa LA TREVI pati na rin sa PUROK DOS
ng baryo Sta. Monica dapat na MAISAAYOS
upang bago mag TAG-ULAN ang kalsada ay matapos
at hindi na abutin pa nitong baha sa PAGLUBOG
pabuksan muna ang tulay ng Saluzu at Tulaoc
hangga’t ang mga kalsada ay hindi pa NAAAYOS