Home Headlines Unang 1,343 senior citizens sa Gitnang Luzon nabiyayaan ng cash gifts mula...

Unang 1,343 senior citizens sa Gitnang Luzon nabiyayaan ng cash gifts mula sa Expanded Centenarians Act

146
0
SHARE

GUAGUA, Pampanga(PIA) — Natanggap na ng unang 1,343 na mga benepisyaryong senior citizens sa Gitnang Luzon ang kani-kanilang mga cash gifts na ipinagkakaloob sa bisa ng Republic Act 11982 o ang Expanded Centenarians Act of 2024.

Bahagi ito ng ginanap na Inaugural Cash Gift Distribution sa buong bansa kung saan pinasimulan ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) ang pamamahagi sa rehiyon sa seremonyang isinagawa sa Guagua, Pampanga.

Ayon kay NCSC Project Development Officer Evangeline Medina, sakop na ng pinalawak na batas ang mga “Milestone Age” na edad 80, 85, 90, 95 at 100.

Ibig sabihin, bukod sa halagang P100,000 para sa mga senior citizens na umabot sa 100 taong gulang sang-ayon sa naunang Republic Act 10868 o Centenarians Act of 2016, makakatanggap na rin ng halagang P10,000 ang mga senior citizens sa kada milestone age o pagtungtong nila sa edad na 80, 85, 90 at 95, alinsunod sa Republic Act 11982.

Natanggap na ng 95 taong gulang na si Paz Tiongco Telan mula Floridablanca, Pampanga ang cash gift na pinagkaloob ng National Commission of Senior Citizens sa bisa ng Republic Act 11982 o ang Expanded Centenarians Act of 2024. Siya ang pinakamatandang benepisyaryo na personal na tumanggap ng nasabing cash gift sa pagsisimula ng pagkakaloob nito sa mga kwalipikadong senior citizen sa Gitnang Luzon. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Isa ito sa pangunahing programa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa aspeto ng kalagayang panlipunan na pinapatupad ng NCSC.

Aabot sa halagang P2.9 bilyon ang ipamamahagi ngayong taon mula sa Pambansang Badyet ng 2025 sa nasa 275,000 mga senior citizens sa buong Pilipinas.

Pinakamatandang senior citizen na personal na tumanggap ng cash gift sa idinaos na inaugural distribution sa Gitnang Luzon ay ang 95 taong gulang na si Paz Tiongco Telan na mula sa Floridablanca, Pampanga.

Aniya, ipangtutulong niya ang natanggap na cash gift sa sinumang mangangailangan sa kanya bilang pasasalamat sa Dios na hanggang ngayo’y wala siyang iniinom na maintenance na gamot.

Kaugnay nito, ipinahayag naman ni Federation of Senior Citizens Association of the Philippines-Pampanga Chapter President Roberto Bautista na ang ganitong programa ay mas magbibigkis sa mga pamilya na lalong mahalin ang kanilang mga nakatatanda.

Bukod aniya sa mga benepisyong mandato ng Expanded Centenarians Act, nagbibigay din ang pamahalaang panlalawigan ng Pampanga ng buwanang social pension sa mga

residenteng senior citizens nito na nagkakahalaga ng P1,000 kada buwan.

Samantala, nakatakda namang tumanggap ng mga cash gifts ang iba pang mga senior citizens sa rehiyon kung saan 358 sa Nueva Ecija, 343 sa Bulacan, 340 sa Pampanga, 231 sa Tarlac, 35 sa Zambales, 33 sa Bataan, at tatlo sa Aurora.

Aabot sa P14.2 milyon ang halaga ng inisyal na alokasyon para rito.  (CLJD/SFV, PIA Region 3-Pampanga)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here