Samal, Bataan: Dumaraing ang mga magsasaka sa Barangay Ibaba sa Samal, Bataan ngayong Miyerkules at humihiling sa pamahalaan na tulungan sila dahil sa biglang pagbaba ng presyo ng palay.
Ayon sa mga magsasaka, ang presyo ngayon ng karaniwang basang palay ay P16 – P16.50 na lamang isang kilo kumpara noong nakaraang tag-araw na P20 – P24.
Sinabi ni Nestor Manzano na nag-ani siya ng RC 218, isang mabangong klase ng bigas, nitong kalahatian ng Pebrero na ang presyo ay P21 kada kilo.
Ang alam daw ni Manzano, ang presyo ngayon ng RC 218 ay nasa mga P18 isang kilo na lang. Ilang araw lang, aniya, biglang bumaba. Ang ordinary daw pumapatak lang ng P16.50 ngayon. “Eh ngayon, ilang araw lang bumaba na sa P16 ang halaga ng ordinary at ang RC 218 nasa P18 na lang ang isang kilo.”
Ang tuyong RC 218 noong nakaraang tag-araw ay P30 – P32 isang kilo, sabi ng mga magsasaka.
“Gusto ko sana mangyari tulungan kami ng mahal na Pangulo na i-fix sa P25 kada kilo ang basa na ani namin na RC 218. Kahit nga tag-ulan, i-fix ng ganoon o kaya itaas ng kaunti sa tag-ulan dahil minsan mahina ang ani. Sa tag-araw pwede ng i-fix ng P25 per kilo para naman mayroong nasambot na kaunti ang magsasaka,” pakiusap ni Manzano.
“Humihingi kami ng tulong sa Pangulo. Maraming salamat Pangulo kung kami ay iyong diringgin,” patuloy ni Manzano.
Sinabi naman ni Rolando Bugay na sa ika-22 pa ng Pebrero siya mag-aani at sana hindi magpatuloy na bumagsak ang presyo ng palay.
“Kawawa naman itong mga huling gigiik. Ang gusto ko sana mangyari eh kapag ibinaba ni Pangulo ang presyo ng palay dapat ang mga gamit sa bukid ibaba din para patas lang. Kasi hindi naman bumaba ang presyo ng gamit sa bukid pero ang halaga ng palay ibinababa. Kawawa naman masyado ang magsasaka. ‘Yun sana ang panawagan namin,” sabi ni Rolando Bugay.
Ayon naman kay Rene Bugay, mas maganda ang ani ngayong tag-araw kaysa sa nakaraang tag-ulan. _”Ngayon naman ay panahon ng tag-araw at dito talaga kami bumabawi na magsasaka. Ang nagiging problema bakit nangyayari na ang presyo ng palay bigla na lang bumababa.”
“Ang ordinary ngayon nasa P16.50 na lang ang per kilo basa ito samantalang noong nakaraang taon eh umaabot iyan ng P20- P21 o mas mataas pa. May nagsabi sa amin na kaya bagsak ngayon ang presyo ng palay ay dahil ang ating gobyerno ay umangkat ng napakaraming bigas,” sabi ni Rene Bugay.
“Sana binigyan ng prayoridad ang mga magsasaka. Kung pwede nga ang gobyerno o ang ating pamahalaan na ang mangasiwa sa ating mga aning palay para makabawi naman kami sa pagkalugi nitong nakaraang tag-ulan,” patuloy ni Rene Bugay.
“Nakakalungkot bakit nangyayari samantalang noong isang taon ayos naman nagflat rate naman ang palay sa P30-P32 ang per kilo ng tuyong RC 218 at noon umaabot ng P22 hanggang P24 pa ang ordinary na basang palay,” dagdag pa nito.
“Ang masakit na katotohanan dito bakit nangyari ito ngayon samantalang noong nakaraang tag-ulan, lugi ang lahat ng farmer. Mayroong umani sa isang ektarya ng 10 kaban lamang. Ito naman talaga sana ang pagkakataon na makabawi kami dahil ang aming pagkakautang noong nakaraan ngayon pa lang babayaran,” patuloy ni Bugay.
“Sa ganitong sistema na nangyayari eh mananatili kami sa aming mga pagkakautang dahil umani man kami sa isang ektarya ng 125 kaban eh hindi pa din masabi na madami ang bilang kasi ang presyo naman ng palay ngayon eh ang baba,” sabi pa ni Rene Bugay.
Hindi raw sapat ang ipinamimigay ng gubyerno na subsidy sa magsasaka na libreng pataba at binhing palay bagama’t pinasasalamatan nila ito. Hindi rin daw sila makakabayad ng utang dahil sa baba ng halaga ng palay samantalang napakamahal ng mga gamit sa pagsasaka.
“Sana naman itong major na problema namin sa presyo ng palay ay malagay sa ayos naman nang hindi naman kami masyadong agrabyado. Kaming mga farmer na sinasabing bayani ng sambayanang Pilipino dahil kami ang nagpapakain ng taong Pilipinas ay matulungan naman sana,” patuloy na daing ni Bugay.
“Kung maaari sa ating mga namumuno, unang-una sa ahensya ng ating agriculture at mahal na Pangulo ay bigyan sana ito ng dagliang solusyon,” panawagan ni Rene Bugay. (30)