LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Opisyal nang pinasinayaan ang Enhanced Squash Processing Center para sa mga Agrarian Reform Beneficiary ng Orient Agriculture Cooperative sa bayan ng Cuyapo sa Nueva Ecija.
Ito ay proyekto sa ilalim ng Village-Level Farm-Focused Enterprise Development (VLFED) ng Department of Agrarian Reform (DAR) katuwang ang lokal na pamahalaan.
Ayon kay Agrarian Reform Program Officer Christian Villatema, makatutulong ang pasilidad upang mapaunlad ang kalidad at pagproseso ng mga gawang produkto ng Agrarian Reform Beneficiary Organization (ARBO).
![](https://punto.com.ph/wp-content/uploads/2025/02/01-CAPTION-1-1-1024x502.jpg)
“Since yung program na ito ay nakapokus sa pag-enhance ng processing center, lahat ng mga produkto na pwedeng ma-cater out of kalabasa ay pwedeng magawa,” pahayag ni Villatema.
Aniya, hindi lamang ang kasalukuyang 68 miyembro ng ARBO ang maaaring mabenepisyuhan sa proyekto kundi ang mga kapwa magsasaka na nagtatanim din ng kalabasa.
Sa pamamagitan ng ipinagkaloob na pasilidad ay hangad na maging solusyon ito para maiwasang mabulok ang mga tanim at pagkalugi ng mga magsasaka.
Ang proyekto ay nagkakahalaga ng humigit P1.6 milyon kung saan tig-P500,000 ang DAR at lokal na pamahalaan ng Cuyapo habang P620,000 ang naging bahagi ng kooperatiba.
Bukod sa pagpapatayo ng processing center ay nakapaloob din sa proyekto ang pagkakaloob ng mga soft component o pagsasanay upang mapatatag ang produksyon ng kooperatiba.
Nakasuporta rin ang Department of Trade and Industry at Department of Science and Technology sa mga kakailanganing capacity development trainings ng ARBO sa pagpapalawak ng merkado at dagdag inobasyon sa mga ginagawang produkto tulad ng squash noodles at squash sticks.
Bukod pa ang maaaring idaos na occupational safety and health standards seminar ng Department of Labor and Employment para sa pagpapalawak ng kanilang negosyo. (CLJD/CCN, PIA Region 3-Nueva Ecija)