Home Headlines Pananda sa kahalagahan ng Mansiyong Pamintuan sa pagsasabansa ng Pilipinas inilagak

Pananda sa kahalagahan ng Mansiyong Pamintuan sa pagsasabansa ng Pilipinas inilagak

130
0
SHARE

LUNGSOD NG ANGELES (PIA) — Pormal nang nailagak ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang panandang pangkasaysayan na “Landas sa Pagkabansa” sa Mansiyong Pamintuan sa lungsod ng Angeles sa Pampanga.

Bahagi ito ng tatlong taon na pag-alaala at pagdiriwang ng Ika-125 Taong Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas at ng Pagpapasinaya sa Unang Republika mula Hunyo 12, 2023 hanggang Marso 23, 2026.

Ayon kay NHCP Executive Director Carminda Arevalo, kabilang ang mansiyon sa nilagakan ng ganitong uri ng pananda dahil sa naging papel nito sa pagbuo sa Pilipinas bilang isang bansa.

Base sa mga batayang pangkasaysayan ng NHCP, pansamantalang tumuloy sa Mansiyong Pamintuan ang delegasyon ng Unang Republika sa pangunguna ni Pangulong Emilio Aguinaldo sa kasagsagan ng Digmaang Pilipino-Amerikano.

Pormal nang nailagak ng National Historical Commission of the Philippines ang panandang pangkasaysayan na “Landas sa Pagkabansa” sa Mansiyong Pamintuan sa lungsod ng Angeles sa Pampanga. (NHCP)

Mula sa Malolos, Bulacan kung saan naitatag at napasinayaan ang Pilipinas bilang isang republika, dumating sila sa Angeles bandang Mayo ng 1899 hanggang sa buwan ng Hulyo ng taon ding iyon.

Dito sila inabutan ng unang taong anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas.

Napili ni Aguinaldo na sa Mansiyong Pamintuan tumuloy sa kasagsagan ng pagtatakas nila sa republika laban sa pwersa ng mga Amerikano dahil pag-aari ito Florentino Pamintuan na kasapi ng Philippine Revolutionary Committee ng administrasyon.

Regalo ang mansiyon na ito ng kanyang mga magulang na sina Mariano Pamintuan at Valentina Torres.

Ipinaliwanag ni Arevalo na ang paglisan nina Aguinaldo at ng delegasyon nito mula sa Malolos patungong Angeles ay bahagi ng kanilang pagsisikap na mapanatiling nakatayo ang Unang Republika na pinasinayaan sa simbahan ng Barasoain sa Malolos, Bulacan noong Enero 23, 1899.

Sapagkat sa prinsipyo ng kasaysayan, kung madadakip ng mga Amerikano si P Aguinaldo, mawawalan ng bisa o babagsak ang republika.

Kaya’t mula Angeles, Pampanga, tumulak sina Aguinaldo sa Tarlac, Tarlac na naging daan nila patungong Cabanatuan, Nueva Ecija hanggang makubkob sila ng mga Amerikano sa Palanan, Isabela.

Target ng NHCP sa taong 2026, na makumpleto ang paglalagay ng mga pananda sa mga pook pangkasaysayan na nagkaroon ng papel sa pagsasabansa ng Pilipinas. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Pampanga)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here