TALAVERA, Nueva Ecija – Isang P255-milyon na cold storage facility na inaasahang makapag-aangat sa kalagayan ng mga lokal na magsasaka ng sibuyas ang sinisimulang itayo ngayon sa Barangay Bantug Hacienda ng bayang ito.
Ayon kay Mayor Nerito Santos, Jr., ang cold storage na ipinatutupad sa pagtutulungan ng World Bank, Department of Agriculture, at pamahalaang lokal ay may kapasidad na 120,000 bags ng sibuyas.
Isinagawa ang groundbreaking ceremonies sa proyekto nitong Feb. 3 at kasunod nito ang tuloy-tuloy na konstruksiyon.
Hindi katulad ng mga pribadong pasilidad, ang cold storage na ito na patatakbuhin ang munisipyo ay hindi maniningil na pa-unang bayad at sa halip ay magbabayad lamang ng storage fee ang magsasaka kapag naipagbili na sa mas mataas na presyo ang kanilang produkto.
Ang advanced payment kasi umano ang dahilan kaya naookupahan ng mga malalaking negosyante ang cold storage kahit malayo pa ang anihan kaya naman napupuwersa ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang ani kahit bagsak-presyo.
“Magpapahiram din ang LGU ng binhi na babayaran din pagkabenta ng produkto,” ani Santos.
“Isang malaking hakbang ito tungo sa kaunlaran ng mga magsasaka,” ayon kay Vice Mayor Nerivi Santos-Martinez, sa pagsasabi na ang pasilidad ay talagang “intended for small farmers” kaya sila ang prayoridad.
“Wala silang masyadong kailangang i-cash out na puhunan para sila ay makapagtanim,” dagdag ni Martinez.
Ibinahagi ni Martinez na kamakailan ay namahagi ang LGU ng libreng pheromone chemicals at lure trap upang mahadlangan ang pagdami ng army worms o harabas na nagsisimula nang makita sa mga pananim na sibuyas ngayong taon.
Sa teklohiyang ito ay naaakit ang mga lalaking harabas na pumasok sa trap na plastic kung saan mamamatay ang mga ito. Sa gayon ay hindi na darami ang uod na sa nakalipas na mga taon ay nanalasa sa sibuyasan sa maraming panig ng Pilipinas.
Sa bayang ito ay may mahigit 500 na ektarya ng sakahan ang tinamnan ng sibuyas noong nakaraang taon subalit ngayong taon ay kulang 400 na lamang, ayon sa municipal agriculture office.
“Marami ang nadala na dahil sa pagkalugi,” sabi ni municipal agriculturist Virginia Leandro.
Ang paglalagay ng pure trap ay isang preventive measure sabi ni Leandro.