Home Headlines Pagdagsa ng imported na bigas pinangangambahan sa deklarasyon ng food security emergency

Pagdagsa ng imported na bigas pinangangambahan sa deklarasyon ng food security emergency

146
0
SHARE

CABIAO, Nueva Ecija – Nagpahayag ng pangamba si Sen. Imee Marcos hinggil sa posibleng negatibong epekto sa mga lokal na magsasaka ng deklarasyon ng food security emergency sa bigas.

Sa kanyang pakikipag-usap sa iba’t ibang sektor sa bayang ito nitong Martes ay ipinunto ni Marcos ang posibilidad na mag-angkat ng bigas kung kailan magsisimula na ang anihan sa Pilipinas. 

Ang food security emergency ay opisyal na idineklara ni Agriculture Sec. Francisco Tiu- Laurel nitong Lunes.

Ayon sa kalihim, mabibigyan-daan ng deklarasyon ang pagpapalabas ng National Food Authority ng buffer stocks nito sa layuning lumikha ng kapanatagan sa supply at presyo ng bigas, ang pangunahing pagkain ng mga Filipino.

Sinabi ni Marcos na bagaman at agrikultural ang Nueva Ecija ay problema pa rin ang bigas dahil sa sobrang mahal ng mga gastusin sa produksyon.

“Medyo mabigat ngayon. Abono mabigat, mahal ang lahat ng bilihin, ang gasolina” sabi ng senadora. 

Hinikayat niya ang pagtutulungan, at magsasakang Filipino, aniya, ang payamanin.

“Huwag ang mga Vietnamese at kung sinu-sino dahil ako, lalo na dito sa Nueva Ecija, ay naniniwala na magugutom ang tao dahil sa walang pagkain kundi dahil may iilang sakim,” sabi ni Marcos.

Pinangunahan ni Marcos ang turnover ng bagong barangay multi-purpose hall at covered court ng Barangay San Juan South na ginastusan ng P10,029,100. 

Kasama niya sina Mayor Ramil Rivera, Vice Mayor Kevin Rivera, mga miyembro ng sangguniang bayan, sangguniang barangay at mga opisyales ng Department of Social Welfare and Development. 

Sa pondo na ginamit sa pagtatayo ng proyekto, P10 milyon ay galing sa DSWD, P22,500 ay counterpart ng pamahalaang bayan at P6,600 naman ang mula sa pamahalaang barangay.

Donasyon naman ng Department of Education ang lupang tinayuan ng proyekto.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here