Home Headlines Kamalayan ng kabataan sa pamana ni Blas Ople isinusulong na pataasin

Kamalayan ng kabataan sa pamana ni Blas Ople isinusulong na pataasin

146
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Sentro ng Ika-98 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni dating Senate President Blas Ople ang lalong pagpapalakas ng kamalayan ng mga kabataan sa kanyang mga pamana sa larangan ng paggawa, industriya, ugnayang panlabas at pagiging mamamahayag.

Ipinaliwanag ni Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office Head May Arlene Torres na minarapat ng pamahalaang panlalawigan na isagawa ang isang paligsahan sa Pagsulat ng Sanaysay at Pagbigkas ng Talumpating ‘Di Handa sa Hiyas ng Bulacan Cultural Center upang panatilihing buhay ang mga alaala ni Ople sa bagong henerasyon.

Nilahukan ito ng nasa 50 mga mag-aaral mula sa iba’t ibang pampublikong paaralan at pamantasan sa lalawigan.

Sa Pagsulat ng Sanaysay sa elementarya, nanalo mula sa una hanggang ikatlong pwesto sina Ma. Eizel Joy Ecal ng Guiguinto Central School, Quinn Chloe Pascual ng Josefa V. Ycasiano Memorial School at Ayeiszha Miel Bejer ng Maguinao Central School.

Nanalo sa unang pwesto sa paligsahan na Talumpating ‘Di Handa si Klarence Miguel Bucad ng Bulacan State University na tumalakay sa mga pamana ni dating Senate President Blas Ople sa larangan ng paggawa, industriya, ugnayang panlabas at pagiging mamamahayag. Ang gawain na ito ay bahagi ng Ika-98 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ng nasabing Bulakenyong lingkod-bayan. (Bulacan PPAO)

Sa mga nasa sekondarya, nagwagi sa unang pwesto si Akira T. Paulino ng Calumpit National High School, sinundan nina Kayezha Dennisse Marollano ng Meycauayan National High School at ni Janaya Vern Bengco ng Taal High School.

Para sa Pagbigkas ng Talumpating ‘Di Handa, itinanghal mula una hanggang ikatlong pwesto sina Sandrea Nicole Caparas ng Carlos F. Gonzales High School, Heiron Alchien Romero ng Assembywoman Felicita G. Bernardino Memorial Trade School, at si Vincent Carl Eugenio ng Pulong Buhangin National High School.

Habang ang mga nanalong nasa kolehiyo sa kategoryang ito ay sina Klarence Miguel Bucad ng Bulacan State University (BulSU), Kurl Joshua Vinuya ng Bulacan Agricultural State College, at si Patricia Ann S. Balingit ng BulSU

Ito ang unang paligsahan na ginanap bilang pag-alaala kay Ople na nagsilbi ring commissioner ng Social Security System, ministro ng Department of Labor and Employment, at kalihim ng Department of Foreign Affairs. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here