Home Headlines May saysay po ang kaso, Mayor Garbo

May saysay po ang kaso, Mayor Garbo

612
0
SHARE

“NAIS KONG ipahayag ang aking taos-pusong pasasalamat sa Diyos at sa inyong patuloy na suporta. Ang inyong pagtitiwala ay nagsilbing lakas sa akin habang ako’y humaharap sa mga hamon ng pamamahala.”

Maramdamin at punung-puno ng pasasalamat ang pahayag ni Mayor Crisostomo Garbo nitong Lunes sa flag-raising ceremony sa Mabalacat City Hall ukol sa umano’y pagbasura ng Ombudsman sa kasong paglabag sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt practices Act) na iniharap sa kanya ng, aniya, ay mga katunggali sa pulitika.

Kahit na walang iniladlad si Garbo na anumang kopya ng desisyon ng Ombudsman, mayroon na ring mga naglitawan sa social media tungkol dito na nagpapatunay na na-dismissed na nga ang (mga) naturang kaso na may talang OMB-LC-SEP-23-0160 at OMB-L-A-SEP-25-0156 noon pang ika 28 ng Agosto 2024.

“Bagamat ako’y natutuwa sa desisyong ibasura ang walang saysay na alegasyon, hindi na po ako nagulat dito. Alam natin ang ating layunin at ang mga prinsipyo na ating pinapahalagahan,” punung-puno ng kumpiyansa pang dagdag ng alkalde.

Subali’t wala nga bang saysay na alegasyon lamang ang mga kaso kaya nga’t ibinasura ito ng Ombudsman?

Pasintabi lang po, Mayor Garbo. Sa dispositive portion po ng Ombudsman decision to dismiss, may mariin pong colatilla na nakapaloob dito:

“Respondent Mayor Garbo is, however, ADMONISHED to be more circumspect in discharging his duties and functions and further warned that a repetition of similar act shall be severely dealt with by this office.”

Una, kayo po ay tuwirang pinapaalalahanan na maging higit na maingat at maayos sa pagtupad ng inyong tungkulin at mga gawain bilang punonglungsod.

Ikalawa, kayo ay binabalaan na anumang pagkaulit ng mga katulad na mga pangyayari o gawa na nagbunsod sa mga naturang kaso, ay bibigyan ng mahigpit at kaukulang aksyon ng Ombudsman.

Bagama’t ibinasura ang kaso, kayo pa rin ay pinaalalahanan at binalaan ng Ombudsman. Hindi niyo maaaring ipagwalang-bahala lamang ito.

May saysay po ang kaso, Mayor Garbo. Photos from FB pages

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here