Nagbuklod ang Government Service Insurance System (GSIS) at Philippine Government Employees Association (PGEA) upang ilunsad ang isang Speakers’ Bureau na layuning bigyan ng tamang impormasyon ang mga miyembro tungkol sa mga benepisyo ng GSIS at labanan ang paglaganap ng maling impormasyon.
Sa isang pulong noong Martes, Enero 21, pinagtibay ng GSIS at PGEA ang plano para sa pagsasakatuparan ng programang ito. Ang Speakers’ Bureau ay bubuuin ng mga pangunahing lider ng PGEA na sasanayin ng GSIS upang maghatid ng tama at napapanahong impormasyon ukol sa mga programa, serbisyo, at benepisyo ng GSIS. Layunin din nitong magbigay ng espasyo para tugunan ang mga tanong at alalahanin ng mga miyembro.
“Ang pagbubuklod ng GSIS at PGEA sa proyektong ito ay patunay ng aming dedikasyon sa paglilingkod sa publiko. Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan, mas magiging epektibo ang pag-abot natin sa lahat ng tanggapan ng gobyerno upang suportahan ang bawat lingkod bayan, ani GSIS President at General Manager Wick Veloso.
Ang makasaysayang kolaborasyong ito, na pormal na sinimulan noong 2024, ay opisyal na inilunsad noong Disyembre 4, 2024, sa pagdiriwang ng National Government Employees Week ayon sa Presidential Proclamation 1130.
“Ang PGEA ay nananatiling tapat sa paghahatid ng tama at napapanahong impormasyon sa mga lingkod bayan,” pahayag ni PGEA President Esperanza Ocampo. “Ang pagbubuklod na ito ng GSIS at PGEA ay naglalayong labanan ang maling impormasyon at isulong ang bukas at malinaw na komunikasyon sa bawat sulok ng pamahalaan.”
Isasagawa ng GSIS ang serye ng pagsasanay para sa mga lider ng PGEA na tatalakay sa mahahalagang paksa tulad ng mga pangunahing benepisyo sa insurance at pagreretiro, proseso ng aplikasyon sa mga loan program, emergency assistance benefits, bagong digital platforms ng serbisyo, at iba pang mga update.
Ang PGEA ang isa sa mga pinagkakatiwalaang samahan ng mga manggagawa sa pamahalaan. Sa loob ng mahigit pitong dekada, ito ay naging mahalagang tagapagtaguyod ng kapakanan at propesyonal na pag-unlad ng mga lingkod bayan. Kinakatawan ng PGEA ang mga manggagawa sa governing board ng GSIS, Pag-IBIG Fund, PhilHealth, at iba pang consultative panels ng Department of Labor and Employment, Civil Service Commission, at National Anti-Poverty Commission.