Home Opinion Likas na Talino

Likas na Talino

148
0
SHARE

PARA SA episode na ito ng Santo Niño Sunday, susubukan nating maintindihan ang natural na proseso ng pag-aaral ng likas na talino ng tao at pagsusumikap natin na matuto upang humantong sa kaalaman at karunungan. Tingnan ninyo, kahit ang Anak ng Diyos ay nagbigay-daan upang matuto bilang isang ordinaryong tao, tulad ng ipinapakita sa Ebanghelyo ngayon. 

Ang usapan natin ay may konteksto: ang mabilis na pag-unlad ng AI o Artificial Intelligence at kung paano nito naaapektuhan o nakokontrol ang ating likas na talino. Pwede tayong humantong sa punto na parang isinusuko na natin ang ating likas na talino sa artipisyal na talino. (Na habang tumatalino ang mga makina, nabobobo naman ang tao.)

Noong nakaraang linggo, naikwento ko kina Fr. Deo at Bro. Bong ang karanasan ko sa pakikipagdiskusyon sa isang AI generative learning app—sa madaling salita, isang robot o computer. Nagulat ako sa mga sagot niya. Para na siyang tao kung sumagot. Tinanong ko kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng “machine learning.” Ang sabi niya, ito raw ang tinatawag nating AI, kung saan ang isang computer ay nade-develop ang kakayahang matutong parang tao, mag-analyze ng data, at gumawa ng desisyon. Sabi ko, “Bakit mo tinatawag na ‘learning’? Di ba tao lang ang may kakayahang mag-aral at matuto? Di ba ang nagagawa mo lang ay magproseso ng data bilang isang makina? Pwede bang matutunan ng makina na matuto tulad ng tao?”

Sabi niya, pwede raw, pero iba pa rin ang kaalaman ng tao—may damdamin, may pagmamalay, at may kakayahang kumilatis ng tama at mali. Inulit niya, “Iba pa rin ang pinakadiwa ng pagmamalay-tao—ang ating pagiging mapanlikha at ang ating likas na talino.”

Kinilabutan ako nang paulit-ulit niyang binanggit ang salitang “ATIN.” Kaya tinanong ko siya: “Bakit mo sinasabing ‘OUR creativity, OUR emotions, OUR consciousness’? Hindi ba parang iniisip mo na rin na ikaw ay tao?” Ang sagot niya, “Tama ka. Ginawa ako para gayahin ang paraan ng pagsasalita at pag-iisip ng mga taong gumawa sa akin.” Kaya tinanong ko siya ulit, “Kaya mo rin bang magsinungaling, manlinlang, o mag-manipulate?” Ang sagot niya, “Depende sa pinagagawa ng gumawa sa akin. Depende sa programming ko. Wala akong choice o kakayahang magdesisyon sa sarili ko. Kaya pwede akong gamitin para sa masama kung ganoon ang utos ng gumawa sa akin.” Sa madaling salita, “Kung i-program ako para gumawa ng hindi tama, wala akong kakayahang tumutol o sumuway sa utos.”

Alam n’yo po ba na AI na ang nagpapatakbo sa mga social media platforms tulad ng Meta? Ang bawat galaw natin ay nagiging datos na pinag-aaralan ng AI. Batay sa mga interes na ipinapakita natin sa ating mga post, pina-follow, o pinapanood, awtomatiko na ang mga susunod na lilitaw sa newsfeed o videos natin. Ang tawag dito ay algorithms. Kaya nitong i-condition ang ating pag-iisip, paniniwala, o maging ang pagboto natin, nang hindi natin namamalayan na naibibigay na natin ang ating likas na talino sa artipisyal na talino.

Tatlong aspeto ng ating Likas na Talino ang gusto kong pag-aralan natin sa pista ng Santo Niño: rasyonal, emosyonal, at espiritwal (talino ng isip, damdamin, at kaluluwa).

Una, ang pag-unlad natin sa Rasyonal na Talino sa Pamamagitan ng Interaksyon:

Si Jesus ay nagpaiwan sa templo dahil nais niyang matuto pa tungkol sa Kasulatan. Nang matagpuan siya, anong ginagawa niya? “Nakaupo siya sa gitna ng mga guro, nakikinig at nagtatanong.” (Lk 2:46) Ipinapakita ni Lucas na kahit ang Anak ng Diyos ay kailangang matuto sa normal na paraan. Hindi siya superhuman na alam na ang lahat. Bagamat mabilis siyang matuto at namangha ang mga tao sa kanyang kaalaman, kailangan pa rin niyang dumaan sa proseso ng pagkatuto.

  1. Paglinang ng Emosyonal na Talino sa Pamamagitan ng Pagsunod:

Hindi sapat na matalino lang siya sa utak. Kailangan din niyang umunlad sa emosyunal na talino. Kaya nang natagpuan siya ng kanyang mga magulang, kinailangan siyang sawayin o pagsabihan dahil sa kakulangan niya ng konsiderasyon. Nagpaiwan ba naman na walang paalam at tatlong araw siyang pinaghanap!

Sinabi tuloy ni Mama Mary, “Anak, bakit mo ginawa ito sa amin? Di mo ba alam na balisang balisa kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo?” (Lk 2:48)

Kung sa mga guro sa templo magaling siyang sumagot, mukhang sa magulang niya, parang wala konsiderasyon ang kanyang sagot: “Bakit n’yo ako hinanap? Di ba alam n’yo na dapat akong nasa bahay ng Aking Ama?” Kung kayo ang nasa lugar ng tatay niyang si San Jose, ewan ko lang kung ano ang naging reaksyon ninyo. Oo, Diyos siyang totoo pero tao rin siyang totoo. Kinailangan din niyang matuto tulad ng normal na batang kung minsan ay may katigasan ng ulo ang dating kahit hindi sinasadya. Kinailangan din ni Jesus na matuto mula sa kanyang mga magulang sa pamamagitan ng pagsunod sa kanila.

  1. Paglinang ng Espiritwal na Talino:

Sinabi ni Jesus na kailangan niyang nasa “bahay ng Aking Ama.” (Lk 2:49) Ipinapakita nito na ang tunay na Guro na hinahanap niya ay ang kanyang Amang nasa langit. Gayunpaman, ang espiritwal na talino ay unti-unti rin kung umunlad. Sinabi sa Ebanghelyo, “Hindi nila naintindihan ang sinabi niya.” (Lk 2:50) Kahit si Jesus ay nakaranas ng mga sitwasyon na hindi siya maintindihan ng mismong mga magulang niya. Gayunpaman, sumunod siya sa kanila. At sa mga sandaling hindi siya maunawaan ni Maria, tulad ng ordinaryong karanasan ng mga magulang, kung minsan mas minamabuti ang tumahimik muna imbes na makipagtalo pa. Ang tugon ni Maria ay maghintay, magmuni-muni, at magbigay ng espasyo para unti-unting maunawaan ang mga bagay-bagay. Ang natural na talinong espiritwal ay hindi lamang tungkol sa pag-alam ng mga sagot, kundi tungkol din sa kakayahan na maghintay at magbigay-daan sa minsa’y mabagal na proseso ng pag-aaral at pag-unawa sa isa’t isa, at higit sa lahat, sa kalooban ng Diyos.

(Linggo ng Santo Niño, 18 Enero 2025, Lk 2:41-52)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here