1.
Isang buwan pa bago sumapit ang PASKO
ay abala na ang mga kandidato
sa pamimigay ng maagang pamasko
na kinalulugdan ng maraming tao
ang ganyang sistema ay hindi na bago
at bahagi na ng SERBISYO PUBLIKO
2.
Sanay na ang tao sa ganyang sistema
kaya’t marami ang mga umaasa
ang pamaskong handog ni NANAY PINEDA
kahit noon pa man ay umiiral na
ngayon naman pilit itong GINAGAYA
ng ilang tao na NAMUMULITIKA
3.
Dahil malapit na naman ang ELEKSIYON
pamaskong handog ay usong-uso NGAYON
sapagkat ito raw ang tamang panahon
na magpakilala sa kanilang nayon
baka magkaroon ng pagkakataon
na mabigyang daan ang inaambisyon
4.
Komento ng ilan nating kababayan
sa ayudang handog ngayong kapaskuhan
mayro’ng namimili lamang ng bibigyan
kaya’t di lahat ay nabibiyayaan
inaalis nila ang mga pangalan
ng mga tao na panig sa kalaban
5.
Yan ba ang tunay na serbisyo publiko?
na sinasabi ng ilang kandidato?
kapag nagsalita sa maraming tao
sa kabaitan ay daig pa ang santo
taliwas sa tunay nilang pagkatao
na masahol pa sa ugaling demonyo
6.
Sa konting biyaya ng PAMASKONG HANDOG
ang saya ng tao ay magiging lubos
kung ang pagbibigay ay bukal sa loob
di ba’t sa nag-alay ligaya ang dulot?
at dahil pasko na wag maging madamot
lalo na sa tao na naghihikahos
7.
kahit hindi pasko kayo ay MAGBIGAY
tulad sa kalinga sa atin ni NANAY
sobrang pulitika ay dapat IWASAN
upang umunlad ang ating INANG-BAYAN
sa taong darating ating IPAGDASAL
na tayo’y gabayan ng POONG MAYKAPAL