ABUCAY, Bataan: Muling nagning-ning sa makukulay na Christmas decor na karaniwang gawa sa recycled materials ang Barangay Mabatang sa bayang ito, na tinaguriang “Christmas Capital of Bataan.”
Bawat sulok ng 20 sityo ng barangay ay nagliwanag sa pagsasama-sama ng malikhaing disenyo at makukulay na ilaw, na nagpapakita ng pagkakaisa ng komunidad sa kabila ng hamon ng panahon, sabi ni Mayor Robin Tagle.
Pinangunahan nina Mayor Tagle at ABC president at Barangay Mabatang chairman Ambet Bautista ang pagbubukas ng Christmas lights.
Tampok ang malaking hugis-parol na dekorasyon sa plaza ng Mabatang at iba-ibang belen na gawa sa buho, walis lasa at ibang recycled materials sa bawat kalsada ng sityo. Ang Mabatang ay kilala bilang producer ng mga walis lasa.
Ang programa ay nagbigay-inspirasyon hindi lamang sa Mabatang, kundi pati na rin sa buong lalawigan ng Bataan, bilang modelo ng makabago at eco-friendly na selebrasyon ng Kapaskuhan, sabi naman ni municipal tourism officer Genel Llanes Real. (30)