PULILAN, Bulacan (PIA) — Nasa kasagsagan na ang rehabilitasyon ng mga matatandang tulay sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX) matapos isailalim sa retrofitting sa limang kilometrong old southbound at northbound Candaba Viaduct nito.
Prayoridad na inuna sa pagpapatibay ng istraktura o retrofitting ang Pulilan Interchange bridge sa Bulacan, at mga tulay ng Pau sa lungsod ng San Fernando, at Abacan sa lungsod ng Angeles sa Pampanga.
Kaya naman nag-abiso si NLEX Corporation President Luigi Bautista sa mga motorista na gawing marahan ang pagdaan sa nasabing mga tulay upang mabigyang daan ang ginagawang rehabilitasyon.
Kahalintulad ng engineering intervention na ginawa sa mas pinatatag na old southbound at northbound Candaba Viaduct ang proseso na ginagawa sa Abacan, Pau at Pulilan Interchange Bridges.
Sinimulan ito sa pagsasaayos ng dugtungan ng mga girders o ang nakakalsong kongkreto na pinapatungan ng slab.
Sa ibabaw ng slab inilalatag ang aspalto na dinadaanan ng mga sasakyan.
Layunin nito na mabawasan ang labis na panginginig ng istraktura o vibration tuwing nadadaan ng mga sasakyan ang dugtungan ng mga tulay, na may epekto sa kabuuang integridad ng istraktura.
Papalitan din ng bagong kongreto ang mga naaagnas na semento sa girder, mga parapet na kongkretong pader o bakod ng tulay at maging ang mga poste kung kinakailangan.
Bahagi ng ginugugol dito ay mula sa P10 bilyon na pahiram na pondo ng China Bank sa NLEX Corporation para sa iba’t ibang pagsasaayos sa nasabing expressway bilang bahagi ng konsesyon na inaprubahan ng Toll Regulatory Board.
Target na inisyal na may matapos sa proyekto bago ang nalalapit na bakasyon ngayong holiday season, upang ligtas na mapadaanan sa inaasahang mataas na bilang ng mga motorista.
Inaasahang magpapatuloy pa ang pagsasaayos sa nasabing rehabilitasyon ng mga tulay sa pagpasok ng taong 2025. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)