CAPAS, Tarlac — “Not guilty!” Ito ang naging tugon ni dismissed Bamban Tarlac Mayor Alice Guo sa arraignment ngayong araw sa kasong material misrepresentation na inihain ng Comelec sa Capas Tarlac RTC branch 66.
Si Guo na nakaditene sa Pasig City Jail ay dumalo sa pagdinig sa pamamagitan lang ng virtual conference.
Ayon sa legal counsel ni Guo na si Atty. Nicole Jamilla, “not guilty” ang sagot ni Guo sa kaso dahil hindi naman ito nag-misrepresent nang tumakbo sa pagka-alkalde noong 2022 local election sa Bamban dahil si Guo ay isang Filipino citizen.
Ayon pa kay Jamilla, premature ang kasong material misrepresentation na inihain ng Commission on Elctions dahil wala pa namang desisyon sa isa pang kaso ng kanselasyon ng live birth certificate ni Guo.
Aniya, maayos naman ang lagay ni Guo sa detention cell nito sa Pasig pero sila mismo ang nag-file ng mosyon para sa virtual conference sa pagdinig ngayong araw dahil sa usapin ng seguridad ni Guo at malayong pagbyahe mula sa Pasig papuntang Tarlac.
Samantala, walang dumalo kanina mula sa panig ng Comelec at nakatakda naman sa buwan ng Pebrero ng susunod na taon ang pre-trial conference sa naturang kaso.