Home Headlines Libreng pag-aaral ipinagkaloob ng TESDA sa pamilya ni Mary Jane Veloso

Libreng pag-aaral ipinagkaloob ng TESDA sa pamilya ni Mary Jane Veloso

316
0
SHARE

GENERAL MAMERTO NATIVIDAD, Nueva Ecija (PIA) — Habang hinihintay ang pagbabalik ni Mary Jane Veloso sa bansa ay nagsisimula nang dumating ang tulong para sa kaniyang pamilya sa Nueva Ecija.

Kabilang na rito ang ipinagkaloob na scholarship ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa libreng kasanayan at pag-aaral ng mga anak, pamangkin at iba pang kaanak.

Ayon kay TESDA Provincial Director Alvin Yturralde, ang ipinagkaloob na voucher o Certificate of Scholarship Commitment ay hindi lamang para sa isang tao kundi para mabigyan din ng training program silang magkakamag-anak at maging ang kanilang mga kapit-bahay.

“Sa TESDA po kasi bukod sa libre ‘yung ating mga training materials, libre yung tinatawag nila na matrikula– wala naman tayong binabayaran na ganun– meron din tayong allowance per day na ibinibigay sa kanila. So, meron tayong 160 pesos per day na ibinibigay,” pahayag ni Yturralde.

Kaniyang sinabi na mayroon ding programa ang ahensya tulad ng Special Training for Employment Program na may kalakip na tool kits na ipinagkakaloob sa mga benepisyaryong nakakumpleto ng pagsasanay.

Personal na dinala ni Technical Education and Skills Development Authority Provincial Director Alvin Yturralde (kaliwa) ang mga voucher o Certificate of Scholarship Commitment sa pamilya ni Mary Jane Veloso, na maaaring nilang magamit para makapagtapos ng pag-aaral o pagsasanay na mapakikinabangan sa pagkakaroon ng negosyo o paghahanap ng trabaho. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

Bukod pa rito ang mobile training program ng TESDA, na kung saan dinadala ng tanggapan ang mismong pagsasanay at mga kagamitan sa kinaroroonan ng mga benepisyaryo upang makabawas sa gastos sa pamasahe at abala sa pagbyahe.

Ilan sa mga kurso na inaalok ng tanggapan ay ang metal arc welding, driving, cookery, bread and pastry production, food and beverage services, mga programa na may kaugnayan sa turismo at marami pang iba.

Ayon pa kay Yturralde, mayroong mga pagsasanay na tumatagal lamang ng kulang 20 araw, hanggang dalawa o tatlong buwan, depende sa programa na napili ng mga benepisyaryo.

Kaniyang sinabi na kung matapos ang pagsasanay at mangailangan ng trabaho ay mayroong career guidance program ang TESDA para makatulong sa paghahanap ng trabaho ng mga naging estudyante.

Lubos naman ang pasasalamat ni Celia Veloso, ina ni Mary Jane, sa tulong na natanggap mula sa TESDA para makapagtapos ng pag-aaral ang mga apo at mabago ang takbo ng kanilang buhay.

“Malaking tulong sa pamilya ko ‘yung ganun, lalo na sa mga anak ni Mary Jane,” pahayag ni Veloso.

Maliban sa tulong mula sa TESDA ay personal ding nagtungo kamakailan si Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac sa Nueva Ecija upang malaman ang mga pangangailangan ng Pamilya Veloso.

Nakipag-ugnayan na rin ang OFW Partylist, ang tanggapan ni Nueva Ecija 3rd District Representative Rosanna Vergara,at ang lokal na pamahalaan ng General Mamerto Natividad sa pamilya Veloso. (CLJD/CCN, PIA Region 3-Nueva Ecija)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here