LUNGSOD NG TARLAC – “Huwag na niyang banggitin ang aking lolo kung hindi naman siya naniniwala sa karapatang pantao at demokrasya.”
Ito ang reaksyon ng isa sa mga apo ng yumaong Sen. Benigno “Ninoy” Aquino, Jr. sa pahayag ni Vice President Sara Duterte na ang mga Marcos ang nasa likod ng pagpatay dito.
Sa panayam ng Punto! kay Francis Joseph “Kiko” Aquino Dee, apo ng senador, na sana ay hindi na lang binabanggit ni VP Duterte ang kanyang lolo kung hindi naman ito naniniwala sa pananaw at paninindigan ni Ninoy sa karapatang pantao at demokrasya.
Sa pahayag na ang mga Marcos ang nasa likod ng assasination kay Ninoy, sinabi ni Dee na bagama’t wala namang pinal na imbestigasyon kung ang matandang Marcos ba o hindi ang nasa likod ng pagpatay sa kaniyang lolo ay aminado siya na naroon pa rin ang kaniyang malalim na galit kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. dahil sa pagpakulong sa lolo niya ng pitong taon nang walang dahilan.
Para kay Dee ay hindi katanggap-tanggap ang naging pahayag na pagbabanta ni VP Duterte na bagamat nauunawaan niya ang galit nito sa mga Marcos ngunit hindi maari ang pagpapatay sa kahit sinong tao dahil naniniwala siya sa demokrasya.
Nababahala daw siya na pinag-uusapan muli ng assasination at may nagtatawag pa ng military disobedience dahil ganito ang naranasan ng bansa noong panahon ng kanyang mga ninuno.
Sinabi pa ni Dee na pareho lang naman na nagpahirap sa bayan ang matandang Marcos at dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil parehong Marami umanong pinapatay ang mga ito at kapwa inalis ang pagpapahalaga sa demokrasya.
Sa pananaw niya na hindi talaga magtatagal ang samahan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at VP Duterte kung ang dahilan ng pagsasama ng mga ito ay personal lang na interes at pulitika.
Ani Dee, sa halip na matugunan at resolbahin ang problema ng bansa ngayon gaya ng kahirapan at mataas na presyo ng bilihin ay natutuon na lang ang atensyon ng mga namumuno sa alitan.
Mensahe niya kina Marcos at Duterte na tigilan na ang gulo dahil naghihirap na ang mga Pilipino.