LUNGSOD NG TARLAC – Bagama’t hindi pa lubusang bukas sa publiko dahil sa ginagawang renobasyon ay pinasilip ngayong araw sa ilang piling mga panauhin ang museo ng mga Aquino dito kaugnay ng paggunita ng ika-92 kaarawan ng yumaong si Sen. Benigno “Ninoy” Aquino, Jr.
Ang apo ni Ninoy na si Francis Joseph “Kiko” Aquino Dee ang nagsilbing guide ng kanilang mga bisita na dumayo sa The Aquino Center mula sa Calamba, Laguna.
Ayon kay Dee, karaniwan na ipinagdiriwang nila ang araw ng kapanganakan ng kanyang lolong si Ninoy at naging kakaiba ang na araw ito dahil pinasilip na nila para sa kanilang mga piling kaibigan ang museo ng mga Aquino sa kabila ng hindi pa ito lubusang bukas sa publiko.
Ani Dee, makikita sa museo ang mga memorabilia ni Ninoy gaya ng mga personal na gamit nito at maging ang mga kagamitan noong ito ay nakakulong.
Makikita din ang sinuot na damit ni Ninoy noong ito ay pinaslang sa tarmac ng Manila International Airport na naroon pa ang bakas ng dugo na isa sa pinakamalaking memorabilia nito na narooon sa museo.
Ayon kay Kiko, chronological ang pagkaayos ng museo na mula sa pagkabata ni Ninoy hanggang sa ito ay mailibing.
Ipinakita din niya sa mga bisita ang mga memorabilia maging ang kina dating Pangulong Corazon Aquino at dating Pangulong Benigno “Nonoy” Simeon Aquino III.
Ang nasabing museo ay nauna daw na isinulong ni Cory Aquino para pagpapahalaga sa legasiya at pagmamahal sa yumaong asawa na kalaunan ay itinuloy na ng naiwan sa mga Aquino at isinama na ngayon maging ang mga memorabilia ng mag-inang Cory at Noynoy.
Target nila na buksan na muli sa publiko ang kanilang museo sa unang quarter ng susunod na taon na pinamamahalaan ng Ninoy and Cory Aquino Foundation.