Home Opinion Ang tugon

Ang tugon

455
0
SHARE

SALAMAT PO sa mga panalangin ninyo para sa matagumpay na nakaraang Sinodo sa Roma. Habang pinagnininlayan ko ang Gospel reading natin ngayon, bumalik sa alaala ko si Pope Benedict XVI sa kauna-unahang Sinodo na dinaluhan ko sa Roma noong 2008: ang Synod on “The Word of God in the Life and Mission of the Church.” 

Sa isang spontaneous intervention niya sa Sinodong iyon, parang ang lakas ng dating sa akin ng ibinigay niyang depinisyon sa pananampalataya: ito daw ang “human response to the God who speaks to us.” Sagot ng tao sa Diyos na kumakausap sa kanya. 

Mas lalo akong namangha nang in-explain pa niya: “What kind of response? It is the human response of love to the God who loved us first.” Ibig sabihin, ang pag-ibig ng tao sa Diyos ay tugon lang sa Diyos na unang umibig sa kanya. Kaya naisip ko, pwede ba nating mahalin ang Diyos kung hindi muna tayo mamulat na mahal tayo ng Diyos? Sagot: HINDI. Kaya pala ang susi ng pananampalataya para kay Hesus ay EBANGHELYO. Ibig sabihin: Mabuting Balita. At ang mabuting balita ay walang iba kundi ang: MAHAL TAYO NG DIYOS: Jn 3:16-17. Kaya naparito sa mundo ang Anak niya ay para tubusin tayo, hindi husgahan. Ang ang pantubos, sariling buhay niya. 

Ito ang naging gabay sa akin para maintindihan ang sagot ni Hesus sa tanong ng eskriba sa kanya sa ating Gospel reading ngayon. Napansin ba ninyo na parang hindi sinagot ni Hesus ang tanong ng eskriba? Sa simpleng salita, ang tanong ay, “Kung sampu ang utos at ire-rate ninyo ng 1-10 according to their order of importance ang sampu, alin ang magiging number 1? Ang sagot niya parang wala sa sampu. Kinuha niya sa ibang pagbasa: ang dakilang kautusan ayon sa Deut 6 ang tinawag niya una, at ang pag-ibig sa kapwa sa Lev 19 ang tinawag niyang pangalawa. At itong nagtanong na eskriba dapat sana humirit pa at sinabing, “E hindi nyo naman sinagot ang tanong ko.” Pero sa reaksyon niya sa sagot, hindi lang siya sumang-ayon, pinuri pa niya ang natanggap na sagot at inelaborate pa at dinugtong ang Salmo 40:7: “na ang pag-ibig sa kapwa gaya ng sarili ay higit pa sa mga susunuging handog na hindi naman hinihingi ng Diyos.”

Hindi nga ba sa aklat ng propeta Micah 6:8, tinatanong daw sa propeta ng bayang Israel kung ano bang klaseng sakripisyo ang hinihingi o ikaliligaya ng Diyos na ialay ng kanyang bayan? Ikalulugod daw ba niya ang inihaw na biserong baka, o mga nilitson na tupa, o bari-bariles ng langis ng olibo, o ang ialay ang panganay na anak? At ang sagot ng propeta, “none of the above.” Sabi niya, “Sinabi na sa iyo, o Tao kung ano ang mabuti, at kung ano ang alay na ikalulugod ng Diyos: ang gumawa ng katarungan, pumanig sa kabutihan at sumunod sa landas ng Panginoon nang buong kababaan ng loob.”

Kung babalikan natin ang sagot ni Hesus, na hiniram niya mula sa Deuteronomio 6, dahil nakatutok tayo sa tinawag na pinakadakilang kautusan ng mga Hudyo: “Na mahalin ang Diyos nang higit sa lahat…” Nakakalimutang basahin ang dahilan kung bakit. Nasa naunang linya: “Makinig ka, Israel, ang Panginoon lamang ang iyong Diyos…” Parang elaboration ito ng first commandment: “Ako ang Panginoong inyong Diyos na tumubos sa inyo mula sa inyong pagkaalipin sa Egipto.” Sa madaling salita: Ako ang Diyos na nagmahal at nagmalasakit sa inyo…. Kung gayon nga ang turing ninyo sa akin…Iibigin ninyo ako nang buong puso, at iibigin ang inyong kapwa gaya ng sarili. 

Maraming beses ko na nasabi sa inyo: kung nagpakilala ang Diyos sa tao bilang Pag-ibig, ibig sabihin, ang tunay na tanda ng kawalan ng Diyos dito sa mundo ay hindi kawalan ng relihiyon kundi kawalan ng pag-ibig. At sabi pa ni San Juan—sinungaling ang taong magsabing mahal niya ang Diyos na hindi niya nakikita kung hindi niya matutuhang mahalin ang taong kalarawan ng Diyos na kanyang nakikita.

(Homiliya para sa ika-31 Linggo ng Karaniwang Panahon, 3 Nobyembre 2024, Mk 12:28b-34)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here