Samal, Bataan: Ginanap ang isang Parade of Saints ng Saint Catherine of Siena Parish Church sa bayang ito Huwebes ng umaga sa gitna ng panaka-nakang mahinang ulan dulot ng bagyong Leon.
Ito’y may temang “Kabanalan hindi Katatakutan” at naiiba sa karaniwang Halloween “Trick or Treat na ginaganap bago ang Undas.
Sa halip na nakakatakot o kakaibang kasuotan, ang mga mag-aaral ng Saint Catherine of Siena Academy ay nagbihis Santo at Santa.
“Ito’y bilang pagsariwa sa ating mga minamahal na Santo at Santa sa pamamag-itan ng pagsusuot na kahalintulad sa kanilang mga imahe at kasuotan,” sabi ng Parokya ng Sta. Catalina ng Samal.
“Nawa’y sa pamamag-itan nito, muling manariwa sa bawat isa ang kanilang ginawang kabutihan at kabanalan sa mundong ating kinabibilangan noong sila’y namumuhay. Ito ay sumisimbolo sa paraan ng pagpapalaganap ng ating pananampalataya at malalim na debosyon na naaayon sa kalooban ng ating Panginoon,” pagwawakas ng parokya. (30)