Mariveles, Bataan: Ilang pigura ng katatakutan bilang paggunita sa halloween at undas ang matatagpuan sa bungad ng Zigzag Road o E – Road pababa sa Freeport Area of Bataan at sa kabayanan ng bayang ito.
Ang mga katatakutang bagay ay gawa mula sa mga lumang damit at iba pang recycled materials na hinubog ng malikhaing mga kamay at isip ng mag-asawang Arnel at Rhea Bravo sa tabi ng kanilang bahay sa E – Road sa Barangay Alas-Asin.
Sa pamamag-itan ng kuryente, napagalaw ni Arnel ang ilang display. May tila patay na lumabas sa hukay, mangkukulam, pugot na ulo na tila ilalagay sa timba, kuba na nakaluwa ang mata, tila mga patay na nakadapa sa lupa, ikinasal na multo, mangkukulam na may mga manika.
May tila mga nag-iinuman ng alak sa burulan at kabaong na bukas- sara at iba pang mga nakakatakot na halloween display na local ang setting.
Sinabi ni Rhea na walong taon na nilang ginagawa ang halloween display na isang paraan nila, aniya, sa paggunita sa mga yumaong mahal sa buhay.
“Pagdating ng ‘ber months’, ang una nating naiisip ay Pasko agad. Nakakalimutan nating may dadaan pang buwan para magunita natin ang mga namayapa nating mahal sa buhay,” paliwanag ni Rhea.
“Saka itong halloween display na ito para ito sa mga bata. Hindi lang kami nagbibigay ng takot, kuwela, kundi nagbibigay din kami ng saya pagdating ng November 1 para sa mga kabataan, para sa ‘trick or treat’ namin,” sabi pa ni Rhea.
Hanggang November 2 raw ang kanilang halloween display ngunit kung marami pa ring pumapasok ay maaaring magtagal pa ang kanilang pagbubukas. (30)