LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Nakikipag-ugnayan ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga lokal na pamahalaan at pasyalan sa pagdaragdag ng mga One Town, One Product (OTOP) Nook sa Nueva Ecija.
Ayon kay DTI Provincial Director Richard Simangan, pangunahing layunin nito na matulungang magkaroon ng exposure ang mga produkto na gawa ng mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa lalawigan.
“Ang DTI ang lumalapit at nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, resort owners at hotels na magkaroon ng corner na maaaring paglagyan ng mga produkto ng mga MSMEs, na malaking tulong para makilala at mailapit sa mga konsyumer ang mga produktong gawa sa lalawigan,” pahayag ni Simangan.
Aniya, ito ay pamamaraan ng ahensiya para makatulong sa mga MSMEs na limitado pa lamang ang kakayahan na makahanap ng merkado.
Paglilinaw ni Simangan, kapag pumayag na ang mga pasyalan sa paglulunsad ng OTOP Nook ay DTI rin ang mangangasiwa sa pagtatawag sa mga MSMEs na interesadong maglagay at makapagbenta ng kanilang mga produkto.
Matapos ito ay ang mga resort owners at pasyalan na ang pipili ng mga produktong ilalagay sa mga OTOP Nook at sila nang makikipag-ugnayan sa mismong MSMEs.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang OTOP Nook sa Lake Farm Dela Marre at Farm Ridge by Desmond Farm na parehong matatagpuan sa bayan ng Pantabangan, at sa Sirmata Ecofarm and Nature Park sa bayan ng Cuyapo.
Maliban sa mga pasyalan sa lalawigan ay nakapaglunsad na rin ng OTOP Nook ang DTI Nueva Ecija sa Dingalan, Aurora.
Ibinahagi rin ni Simangan ang patuloy na partnership ng DTI at Shell sa pagbebenta ng mga produktong gawa sa Nueva Ecija sa mga Shell Select Stores, tulad ang tilapia ice cream, mushroom at banana chips.
Bukas ang DTI sa mga posibilidad para magkaroon ng access ang mga MSME sa merkado at patuloy na maipakilala ang mga produktong gawang lokal. (CLJD/CCN, PIA Region 3-Nueva Ecija)