Home Headlines Traslacion ng Mahal na Birhen dinagsa

Traslacion ng Mahal na Birhen dinagsa

336
0
SHARE

ORANI, Bataan: Dinagsa ng maraming deboto ang traslacion o madaling araw na prusisyon para sa Virgen Milagrosa de Orani  noong Sabado, Oktubre 5. 

Nagsimula ang prusisyon alas-4 ng umaga sa Parish of Saint Catherine of Siena Church  ng Samal,  Bataan  papunta sa Minor Basilica and Shrine Parish of Our Lady of the Most Holy Rosary o Orani Church. 

Pinangunahan ni Abp. Florentino Lavarias, Arsobispo ng San Fernando, Pampanga at tagapangasiwa ng Diyosesis ng Balanga, ang Banal na Misa sa Orani kasama si Rev. Fr. Antonio Quintos, rector at kura paroko ng Basilica ng Orani, at mga kaparian ng Diyosesis ng Balanga. 

Napag-alaman na  taunang ginaganap ng mga deboto ang dawn Marian procession o traslacion  mula Samal hanggang Orani tuwing unang Sabado ng Oktubre  simula pa noong 2011.

Ayon kay Paul Robert Fonseca ng Virgen Milagrosa Shrine Ministry, batay sa kasaysayan ang naging unang  tahanan ng Virgen Milagrosa de Orani ang Parokya ng Samal bago ito malipat sa katabing bayan. 

Sinabi ni Fonseca na sa taong ito ay naging mas makulay ang mga pagdiriwang na sinimulan noong ika-26 ng Setyembre nang sunduin ng mga taga-Samal ang Birheng Milagrosa. Sinalubong ang Imahen mula sa bukana ng bayan ng Samal patungo sa simbahan ng Saint Catherine of Siena.

Sumalubong umano mismo si Samal Mayor Alex Acuzar, mga mag-aaral ng Saint Catherine of Siena Academy at mga deboto. Pagkatapos ay sinimulan ang siyam na araw na pagnonobena sa karangalan ng Bireheng Milagrosa bago ito muling ibinalik sa Orani. 

Ang Mahal na Birhen ng Santo Rosario ang patron  saint ng Orani na ang kapistahan ay idinaraos tuwing ikalawang linggo ng Oktubre.

Matatagpuan sa tabi ng basilica ng Orani  ang isang museo  kung saan makikita ang mga magagandang kasuotan at korona ng Mahal na Birhen. 

Ang museo ay nasa pangangalaga ng mga kasapi ng Cofradia dela Virgen Milagrosa de Orani.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here