STA. CRUZ, ZAMBALES – Pinangunahan ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino ang pamamahagi ng tulong pangkabuhayan sa mga mamamalakaya ng bayang ito noong Oktubre 3. Ito ay bahagi ng kanyang adbokasiya para kalingain ang kapakanan ng mga mangingisda ng bansa.
Ipinamahagi ng senador ang 10 fiberglass reinforced plastic boats sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Sta. Cruz Mayor Consolacion Marty.
Namahagi din ng sahod para sa mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), ang emergency employment program ng DOLE. Ang mga benepisyaryo ay binubuo ng mahigit 500 mga mangingisda na sinalanta ng Bagyong Carina noong Hulyo.
Ayon sa senador, nawa’y makatulong ang fiberglass boats na ito sa kanilang paghahanap-buhay. May kasama itong marine engines at mga accessory tulad ng transponders na tutulong magsisiguro sa kanilang kaligtasan. “Ito’y para ma-monitor ng mga awtoridad ang inyong lokasyon kapag kayo’y nasa laot, at para makapagpadala ng tulong sa inyo sa panahon ng pangangailangan,” dagdag pa niya.
Para sa mga benepisyaryo ng TUPAD, umaasa ang senador na makatulong nang mabuti sa kanilang pamilya ang halagang kanilang natangap.
Sinabi ni Tolentino na layunin ng panukala nyang tatawaging Liwanag, Internet, Kuryente Assistance Welfare (LITAW) na matulungan ang mga biktima ng sakuna para unahing paglaanan ang pagpapagawa ng kanilang nasirang bahay, kaysa unahin ang pagbabayad ng utility bills para di sila maputulan ng serbisyo.
Nauna nang nagtungo ang senador sa iba’t ibang lokalidad sa Zambales para makipag-diyalogo sa mga komunidad ng mga mangingisda na naapektuhan ng fishing ban ng China sa Scarborough Shoal.