Home Opinion Ang salot na ugat ang dapat bunutin

Ang salot na ugat ang dapat bunutin

142
0
SHARE

Kung wala ang droga na ipinapasok

sa’ ting inang-bayan nitong mga druglords

wala sanang adik at pusher na salot

at mga kriminal na ugaling hayop

 

Wala sanang bangag na nakakaisip

na manggahasa ng mga batang paslit

wala sanang mga gumagalang adik

na nagdudulot ng matinding ligalig

 

Di sana nakulong ang isang senador

na inakusahan na druglord protector

at wala rin sanang napaslang na mayor

kung walang pulis na ginawang tirador

 

Wala sanang mga alagad ng batas 

nagsagawa noon ng OPLAN GALUGAD

walang tatlong itsik sana ang nautas 

kung hindi tiwali ang ilang prison guard

 

Wala sanang buhay na biglang nasayang

sa umiral dating OPERATION TOKHANG

wala sanang mga nagluksang magulang

asawa’t kapatid ng mga napaslang

 

Wala sanang mga nasangkot na pulis

sa pagkatumba raw ng maraming adik

walang taong bayan sanang nag-iisip

na ang impluensiya dito’y nanagamit

 

Wala sanang gulo noon sa senado

dahil sa nabistong mga kontrabando

drogang ang halaga’y bilyon-bilyong piso

sa Bureau of Custom noon diumano

 

At wala rin sanang Kian delos Santos

batang pinaslang na disiyete anyos

habang may tulak at hindi nauubos

giyera kontra droga’y hindi matatapos

 

Ang lahat ng ito ay dahil sa droga

na sa ating bansa’y lubhang talamak na

di sana lumala ganitong problema

kung ang ugat nito’y binunot noon pa

 

Mga mambabatas sa kasalukuyan

ay nagsanib pwersa upang bigyan daan

itong pagsisiyasat sa katiwalian

sa hanay ng ating mga kapulisan

 

Nagsalita na ang ibang resource person

sa mga hearing in aid of legislation

high ranking officials ng PNP noon

baka masabit pa kapag nagkataon

 

Problema sa droga’y hindi matatapos

hanggat mayrong mga pulis na kasangkot

masamang ugat ay magsisilbing salot

habang umuusbong at di nabubunot

 

Mga pulis lang ba dapat ang tutukan

ng imbestigasyon sa kasalukuyan? 

hindi kaya ito’y dapat pang laliman

upang matumbok ang pinag-uugatan

 

Narco-politicians, ang dapat malansag

at mga druglords na kanilang kasabwat

sapagkat sila ang nagsisilbing ugat

ng drogang salot sa bansang Plipinas

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here