TALAVERA, Nueva Ecija – Napasok at namanipula ng hacker ng opisyal na Facebook page ng bayang ito, ayon kay Vice Mayor Nerivi Santos Martinez.
Ang FB page na Municipality of Talavera ay “daluyan ng mga mahahalagang impormasyon” hinggil sa mga programa ng pamahalaang lokal subalit ngayon ay may mga video na hindi karapat-dapat para sa mamamayan, saad ng bise alkalde.
“Kasalukuyan tayong nakikipagugnayan sa DICT (Department of Information and Communications Technology) at Cybercrime Investigation & Coordinating Center dahil sa na-hack ang ating page,” ani Martinez.
Ang bayang ito ay isang first-class municipality na kanugnog, sa bandang norte, Cabanatuan City.
Kasalakuyan itong inihahanda sa pagiging siyudad na inaasahang magiging kauna-unahan sa Unang Distrito ng Nueva Ecija.
Ang kasalakuyang alkalde, Mayor JR Santos, ay nakababatang kapatid ni Martinez. Si Martinez ay nagtapos ng tatlong termino bilang punongbayan.
Pinayuhan ni Martinez ang lahat na huwag magbukas ng anumang link sa nasabing pahina.
“Wag muna po tayong mag-engage o mag-click ng anumang link na lalabas sa page ng Municipality of Talavera,” paalala niya.
Ilang netizen ang mabilis na nakapuna sa pagbabago ng pahina at nagpahayag ng kalungkutan sa nangyari.