Home Opinion Magandang proyekto ni ex-Mayor Wong nakatiwangwang lang hanggang ngayon

Magandang proyekto ni ex-Mayor Wong nakatiwangwang lang hanggang ngayon

639
0
SHARE

Ang mga proyektong di natapos noon
na pinasimulan ni ex-mayora Wong
ano ang sanhi at hindi itinuloy?
ng kasalukuyang meyor ng San Simon
di lang ang salapi na dito’y ginugol
ang nasayang kun’di maging ang panahon

Hayun ang proyekto at nakatiwangwang
kung kaya’t marami ang nanghihinayang
ang mga kabilyang doon nakaabang
ay nilamon lang ng sariling kalawang
marami na sana ang nakikinabang
kung hindi nahinto at natuloy lamang

Kung ang proyekto ay para sa pag-unlad
ng bayan, dapat na bigyang prayoridad
di lang mayayaman yaong naghahangad
na ituloy upang matapos kaagad
kundi pati mga taong kapus-palad
ang nagnanais na ito ay matupad

Nagkaroon sana ng birthing station
dialysis center kung ito’y natuloy
tanging COMELEC lang saka FIRE STATION
at PNP ang siyang nakatayo doon
isang one stop shop na nga sana ngayon
ang GOVERNMENT CENTER dito sa San Simon

Subalit iba ang binuksang proyekto
sa di ko malamang dahilan kung ano
kung katwiran nila “ay iba ang iyo”,
at “iba ang akin” yan ay hindi wasto
sana ang isipin ay ang benepisyo
ng nakararami’t hindi ang kredito

Kung ang nasimulan na hindi natapos
ng dating alkaldeng nagsikhay ng lubos
di ba maaring iba ang tumapos?
sa kanyang hangarin na biglang naudlot?
lalo na kung ito’y makapagdudulot
ng kaginhawaan sa paghihikahos

Kung halimbawang ang namumuno ngayon
ay merong proyekto na isinulusong
at siya ay natalong bigla sa eleksiyon
sa taong darating o ibang panahon
matatapos ba kung ang nanalong meyor
sa iba ibaling ang kanyang atensiyon?

Ang mga proyekto upang di mabinbin
sino mang mamuno kailangang tapusin
sobrang pulitika dapat ng limutin
ang pagkakaisa ang siyang pairalin
kung ano ang tama’t nararapat gawin
na para sa bayan ang laging isipin

Hindi kung paano makipagbangayan
at magpalipad ng salitang maanghang
hindi kung paano kaya gagantihan
yaong mga taong kanilang kalaban
at di kung paano magsisipagyaman
sa pangngurakot sa kaban ng bayan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here