Panukala na bula

    602
    0
    SHARE

    ORDINANSA. Madaming mga panukalang kailangang maisabatas ngunit hindi nakakarating sa sangguniang panlalawigan, sa mga sangguniang panlungsod o sa mga sangguniang bayan.

    Pero ang mas hayag na katotohanan ay hindi talaga ito nais isabatas ng mga bokal at mga konsehal ng ibat ibang mga lalawigan, bayan at lungsod sa ibat ibang kadahilanan at interes.

    Naisip naba ng mga pulitiko ang magpanukala na limitahan ang isang pampasadang jeep (na nakapila sa terminal) ng dalawang pasahero, kanan at kaliwang upuan, upang maging maluwang at komportable ang looban?

    Dahil sa totoo lang, hindi ibibiyahe ng tsuper ang kanyang jeep hanggat hindi tila sardinas ito sa sikip.
     
    Samantalang pwede namang mag-pasa ng isang ordinansa kung saan lilimitahan ang laman ng isang jeep para maging maginhawa ang mga pasahero at maging mabilis ang daloy ng pagpupuno.

    Hindi ito isasabatas ng mga konsehal at hindi rin ito aaprubahan ng alkalde dahil panigurado na aalma ang mga tsuper.

    Kapag ito ay ipinilit, malaki naman ang mawawalang boto ng mga pulitiko pagdating ng eleksyon dahil sa halos nagkakaisa din sa boto ang mga organisasyong pang-tsuper. Sino nga naman ang matapang na pulitiko ang susuporta sa ganitong panukala?

    Dahil dito, ang maraming bilang ng mga commuters naman ang naaapektuhan lalo na ang karamihang namamasahe pagpasok sa trabaho at mga mag-aaral na pumapasok naman sa paaralan.

    Sila dapat ang pangunahing pinaglilingkuran at pinagsisilbihan ng mga pulitiko subalit madalas ay sila o tayo ang nasasakripisyo. 

    Pinanghihinayangan ng mga tsuper ang bayad ng isa o dalawang pasahero, ngunit hindi naman nila naiisip na mas lalo silang kikita dahil sa bibilis ang pagpupuno ng kanilang mga sasakyan at malaki ang matitipid nilang oras. 

    q q q

    Hindi rin susuportahan ng mga pulitiko ang panukala na palakihan at paluwangin ang mga pampasadang tricycle dito sa Pampanga lalo na sa Angeles.

    Ito ay dahil sa halos nasa 96 porsyento ng mga namamasada ay maliliit at mabababa ang katawan ng minamaneho nilang tricycle na halos magkanda kuba ang pasahero lalo na kung may kalakihan at kataasan pa ito.

    Naaalala ko tuloy ang sinausang mga tricycle kung saan napakasarap magbiyahe dahil komportableng komportable ka sa loob nito.

    q q q

    Mas lalo na sigurong hindi isasabatas ang panukala na buwisan ang bawat relihiyon sa bansa, pati na ang mga unibersidad o paaralan na pag-aari nila.

    Bagamat may relihiyon o sekta na payag magbayad ng buwis (kung isasabatas at mahigpit na ipapatupad), isipin nalang ang bilyon-bilyong perang ipapasok nito sa pamahalaan.

    Pero walang pulitiko o pangulo man ng ating bansa ang susuporta at mangunguna upang ito ay maisabatas dahil siguradong inilalagay niya sa peligro hindi lamang ang kanyang posisyon sa lipunan, kundi pati narin ang kanyang sariling buhay.

    q q q

    TRABAHO SA IBAYONG DAGAT. Mahigit na 100 hotel at siyam na football stadium ang kasalukuyang ginagawa ngayon sa Doha, Qatar bilang paghahanda sa 2022 FIFA World Cup.

    Ayon sa isang Qatari na nakausap ko, madami parin ang kailangang manggagawa para sa iba’t ibang kumpanya sa nasabing bansa na ngayon ay may pinakamataas na Gross Domestic Product sa buong mundo.

    Madami ang nakakakita ng trabaho dito sa pamamagitan ng  pag-apply gamit ang internet at madalas ay napakaliit ng kailangang gastusin upang pumasa at makarating sa Qatar.

    Aniya, ang maganda pa sa lugar ay mababa lamang ang cost of living kaya madaming mga overseas Filipino workers (na matino) ang nakakaipon at nakapagpapatayo ng kanilang sariling bahay sa Pilipinas.

    q q q

    UPDATE SA PULITIKA. Ayon sa aking source, nakikiusap umano si Porac Vice Mayor Dexter David kay Councilor Mike Tapang na huwag humabol ng pagka-bise alkalde upang sila’y huwag maglaban.

    Subalit hindi umano pumayag si Tapang dahil bagama’t hindi pa ito nagpapahayag ng kanyang balakin ay madaming mga residente/botante ng Porac ang gusto siyang maging bise-alkalde. Ang ibig lamang sabihin ay natatakot si David na labanan siya ni Tapang.

    Ayon kay Tapang, pu-puwedeng magsanib sila ng pwersa ng dating alkalde na si Dr. Roger Santos sa susunod na taon ngunit posible din na  humabol ng alkalde si Tapang at bise alkalde naman si Santos.

    Bagamat pinipilit na pahabulin ng gobernador si Mayor Oca Rodriguez ng Liberal Party, tila mas gusto niyang labanan si Congressman Dong Gonzales, ang dating kaalyado at kadikit ni dating pangulong GMA na ngayo’y kongresista sa ikalawang distrito ng Pampanga.

    Si Bombing Nepomuceno naman ay hahabol umano ng pagka-alkalde kasangga si Balibago Barangay Captain Tony Mamac upang labanan sina Mayor Ed Pamintuan at Vice Mayor Vicky Vega-Cabigting.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here