CALUMPIT, Bulacan — Kinalampag ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para maging proactive sa pakikipag-ugnayan at pagtulong sa libo-libong mangingisda na nawalan ng kabuhayan dahil sa oil spill mula sa lumubog na MT Terranova.
Nitong Sabado ay nagtungo ang grupo ni Tolentino sa bayang ito at sa Masantol at Macabebe sa Pampanga para magbigay ng tulong sa mga nasalanta ng pagbaha.
Dahil marami ding mangingisda ang nasa Gitnang Luzon, nagapela si Tolentino sa BFAR na bigyan ng importansya ang tuloy-tuloy na pag-uusap sa mga grupo ng mangingisda.
Sa isang kaugnay na isyu, nagpahayag ng pagkadismaya si Tolentino sa lumalabas na mga ulat na hindi umano rehistrado ang MT Terranova.
Kinwestyon ni Tolentino ang karapatan nito na maghatid ng mga kargamentong maaaring makasira sa karagatan kung wala naman itong tamang permits at inaasahan aniya na mauungkat ang lahat nang ito sa ating Senate investigation
Kamakailan ay naghain ang senador ng Senate Resolution No. 1048, na naglalayong imbestigahan ang sanhi, lawak, at epekto ng oil spill dulot ng lumubog na barko.
Isda ligtas kainin
Samantala, patuloy ang pagsasagawa ng sensory evaluation ng BFAR-Region 3 sa aquaculture ng Bulacan kaugnay ng napabalitang nakarating sa bayan ng Hagonoy ang tumagas na langis ng lumubog na motor tanker mula sa Limay, Bataan.
Nagpahuli ng ilang piraso ng bangus ang BFAR para suriin kung kontaminado ba ito ng langis.
Ayon kay BFAR-Region 3 director Wilfredo Cruz, ginawa nila ito bilang bahagi ng monitoring ng baybayin ng Bulacan kaugnay ng oil spill sa Bataan.
Pumasa aniya sa sensory evaluation ang mga sample ng bangus mula sa ibat-ibang lugar at patunay aniya na ligtas sa oil spill at safe na kainin ang mga lamang dagat sa Bulacan.
Ayon pa kay Cruz, sa pag-ikot nila sa baybayin ng Malolos at Hagonoy ay wala silang namataan na oil spill o oil sheen.
Ani Cruz, araw-araw daw nilang gagawin ang monitoring gaya ng pagsasagawa ng sensory evaluation sa mga lamang dagat para matiyak na ligtas itong kainin ng publiko.