Galak at lungkot sa panalo

    452
    0
    SHARE

    Sa pagkakataong ito ay magbubuhat ako ng aking bangko. Muli naming naranasan ang maging kampeon sa larangan ng table tennis sa buong Gitnang Luzon bilang mga manlalaro at hindi bilang mga tagapagturo (o coach-trainer).

    Ginanap ito sa Marquee mall at 26 na mga koponan ang sumali.

    Masaya ang grupo dahil sa panalo sa Mayor Ed Pamintuan Regional Table Tennis Cup. Wika nga ni Ray Reg na aking kasangga: “Para ito sa mga Kapampangan!” Si Ray ay kasalukuyang coach sa University of the Assumption.

    Ganun din ang sambitla na dalawa ko pang kasama – si Carlo Puno na isang Psychologist at nagtatrabaho sa City Social Welfare and Development Office sa Lungsod ng Angeles; at si Rolendio David na coach naman sa Guagua National College (GNC).

    Sila ay ilan lamang sa mga manlalarong nakatapos ng kolehiyo dahil sa pagpi-pingpong.

    Sa kabila ng kagalakan sa pagkapanalo, may hatid din namang kalungkutan ito sa aming grupo. Pinipilit kong burahin sa aking isipan na ako’y isang mamamahayag sa pagkakataong iyon, ngunit sadyang mahirap itong gawin.

    Nakita ko kung gaano kagagaling ang mga nagsipaglahok na mula pa sa Bulacan, Bataan, Tarlac at Pampanga. Masipag, hindi mareklamo, may kusang palo at higit sa lahat, nagsisikap na maging mahusay na manlalaro.

    Subalit sa kabila ng kanilang mga pagsisikap, kulang parin o walang anomang suporta ang kanilang lokal na pamahalaan. Sa katunayan, ilan sa mga atleta ay halos sumakto lang ang panggastos upang makalahok sa torneo.

    Kuwento naman ng iba, masipag silang mag-aral subalit kapos na kapos talaga sa salapi ang mga magulang upang tustusan ang ilang gastusin sa pag-aaral.

    Bagamat libre na sila sa matrikula sa kolehiyo bilang mga manlalaro, hindi parin kasya ang kinikita ng kanilang magulang upang makatapos ng pag-aaral.

    May nakita akong isang manlalaro na sa tingin ko’y malaki ang potensyal dahil sa taglay niyang bilis at kahusayan. Ngunit dahil sa konting mga bayarin sa paaralan ay naging hadlang ito upang siya ay huminto sa pag-aaral sa kolehiyo.

    Ang iba naman ay umaasang manalo dahil sa pabuya. Ito anila ay makakatulong ng malaki dahil sa maraming gastusin sa paaralan lalo na at umpisa na naman ang ikalawang semester, enrolment at pasukan na naman.

    Ngunit para sa mga atletang ito, ang mga torneong kagaya ng Mayor Ed Pamintuan Cup ay malaki ang magagawa upang mapalakas ang mga manlalaro hindi lamang sa Lungsod ng Angeles kundi pati ang mga nasa ibang lugar.

    PAKINABANG. Sa pagdami ng mga magagaling na manlalaro dahil sa mga patimpalak na ganito, madami din ang nakikinabang sa mga scholarship grants na mula sa mga malalaking paaralan kagaya ng Angeles University Foundation na todo ang suporta sa mga atleta. 

    Sa ganitong paraan, natutulungan ng pamahalaang lokal ang maraming kabataan na gustong makapagtapos ng pag-aaral. Hindi na kailangan pang maglabas ng pondo mula sa kaban ng bayan. Ang kailangan lang ay isang pasilidad o training center kung saan makakapagensayo ng mabuti ang mga manlalaro.

    Makakatulong pa ito sa anti-drugs campaign ng pamahalaan dahil magiging aktibo ang mga kabataan sa palakasan, iwas sa droga at iba pang bisyo. Makakapagimbita din ito ng mga mamumuhunan at negosyante dahil ang isang lugar na may masiglang palakasan ay isang indikasyon na malakas ang ekonomiya nito.

    Lalakas din ang turismo lalo na kung ang mga nasabing mga torneo at patimpalak ay magiging regular.

    PAGKAKAISA. Sa ganitong mga palaro ay nakita ko rin kung papaano magkaisa ang mga Kapampangan.

    Sa elimination  round ay magkakalaban kami ng Systems Plus Computer College, AUF, Holy Angel University, GNC, Team Pampanga-B, Porac Table Tennis Club, at Pampanga Table Tennis Club.

    Pagdating ng championship match, silang lahat ay pumapalakpak at humihiyaw na bilang pagsuporta sa amin.

    Malaking tulong ito upang mabuhayan kami ng loob na halos hindi na kami makabawi laban sa mga taga-Bulacan.

    Sa pagtatapos ng laban ay kahanga-hanga din ang ipinakita ng mga batang manlalarong taga-Bulacan dahil sa kanilang kababaan ng loob, sa kanilang pagiging sports sa laro.

    Sana ay mataglay ito ng lahat ng mga manlalaro. Dapat nating maintindihan na nagkaroon ng palakasan, kumpetisyon o sports upang maalis o di kaya’y mabawasan ang mga digmaan sa mundo.

    Yun na nga ang simula ng pagbuo ng Olympics. Wika nga ng isang kanta na patungkol sa Olympics: “Competition, we unite as one.”

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here