JAEN, Nueva Ecija – Pinangunahan ni Mayor Sylvia Austria ang pamamahagi ng 1,000 family food packs mula Department of Social Welfare and Development sa mga pamilyang apektado ng pagbaha sa bayang ito nitong Sabado.
Kasama sa pamamahagi sina municipal social welfare and development officer Paperlyn Pablo at municipal disaster risk reduction and management officer Marsan Mateo at mga kinatawan ng DSWD Region 3, Vice Mayor Atty. Sylvester Austria, at mga miyembro ng sangguniang bayan.
Ayon kay Austria, mismong ang DWSD-3 sa pamumuno ni director Venus Rebuldela ang nagpaabot sa kanila ng tulong batay sa kautusan ni Sec. Rex Gatchalian.
Ang mga apektadong pamilya na nakatanggap ng DSWD food packs ay kinabibilangan ng mga residente ng Tabing Sapa ng Barangay Marawa, Sitio Sanggalang ng Barangay Lambakin, at Barangay Pamacpacan na inabot ng tubig-baha dahil sa pag-apaw ng sapa na nakapalibot sa kanilang lugar.
Nagpaabot ng labis na pasasalamat si Austria sa DSWD, partikular kay Gatchalian, dahil napakalaking tulong aniya sa kanyang mga kababayan ang mga nasabing food packs.
Samantala, nagsagawa ng agarang relief operation ang pamahalaang bayan sa mga apektadong lugar.
May kabuuang 531 na residente mula sa mga barangay Sta. Rita, Malabon Kaingin at Lambakin, ang nabigyan ng relief goods, ayon sa ulat. Katuwang dito ang Rotary Club of Jaen na nagbigay ng hygiene kits tulad ng sabon, shampoo at toothbrush sa mga pamilyang binaha dulot ng bagyong Carina at habagat.
Nagpakain naman ng sopas ang Inner Wheel Club of Muntinlupa sa naturang gawain.